Kritikal ang kalagayan ng isang 84-anyos na lola matapos siyang buhusan ng gasolina at siliban ng kaniyang manugang na lalaki sa Carcar, Cebu. Ang krimen, pinakuhanan pa ng suspek ng video sa kaniyang 11-anyos na anak.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV sa GTV "State of the Nation" nitong Martes, sinabing naglalaba ang biktima nang buhusan ng suspek ng gasolina at sinilaban.

Madidinig sa video ang pagkagulat at pagkataranta ng bata nang makita ang ginawa ng kaniyang ama sa kaniyang lola.

Nagtamo ng third degree burn ang lola na inoobserbahan sa ospital.

Ayon sa apo ng biktima, lasing daw ang kaniyang ama nang utusan siya nito na videohan ang kaniyang lola.

"Kumuha ng cellphone si Papa, ibinigay niya sa akin. Sabi niya kunan mo ng video si lola mo. Iyon nag-uusap sila tapos may kinuha siya sa bag niya, tumbler na may gas. Naamoy ko ang baho ng gas," kuwento ng bata.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dati nang may hidwaan ang suspek at biktima. Nagtalo umano ang dalawa nang hanapin ng suspek sa biktima ang kaniyang misis [anak ng lola], na hindi pa umuuwi mula noong Disyembre.

"Itong suspek saka yung victim meron na silang previous grudges. Kasi ayon sa suspek, bini-brainwash niya daw, nung lola yung asawa niya. Then later on sinabi ng suspek na hindi yata umuwi sa bahay yung misis niya," ayon kay Police Leiutenant Colonel Ruel Burlat, hepe ng Carcar City Police.

Nadakip naman ang suspek at sa loob ng piitan, inihayag niya ang kaniyang hinala na sinisiraan siya ng kaniyang biyenan sa kaniyang misis.

Ngunit ayon sa anak ng suspek, naglayas ang kaniyang ina dahil sa pananakit na rin ng kaniyang ama.

Labis na naawa ang bata sa sinapit ng kaniyang lola.

"Hindi siya [suspek] mapapatawad. Nakakaawa ang lola ko, matanda na yun pa ang ginawa, walang respeto," saad ng bata.

Mahaharap ang suspek sa reklamong frustrated murder. -- FRJ, GMA Integrated News