Pumanaw na sa edad na 71 ang isa sa mga haligi ng GMA Network na si Mike Enriquez.
Si Mike ang isa sa mga anchor ng GMA’s flagship newscast na “24 Oras,” at host ng long-running GMA Public Affairs program na “Imbestigador.”
Nagsilbi siyang presidente ng RGMA Network, Inc. at GMA Network’s Senior Vice President at Consultant for Radio Operations.
Naging anchor rin ang veteran broadcaster ng “Super Balita sa Umaga” ng dzBB at “Saksi sa Dobol B.”
“It is with profound sadness that GMA Network announces the passing of our beloved Kapuso, Mr. Miguel ‘Mike’ C. Enriquez, who peacefully joined our Creator on August 29, 2023,” saad ng GMA Network sa inilabas na pahayag. “He joined the broadcast industry in 1969 and then became part of GMA Network in 1995, wholeheartedly serving the Filipino audience for 54 years.”
“The Board of Directors, management, and employees of GMA Network, Inc. deeply mourn the passing of Mr. Enriquez. His dedication to the industry will serve as an inspiration to all. We pray for the eternal repose of our beloved Kapuso.”
Noong December 2021, nag-medical leave si Mike para sumailalim sa kidney transplant. Bumalik siya sa trabaho noong March 2022 para sa 2022 election coverage.
Una rito, nag-medical leave din si Mike noong 2018 para sumailalim sa heart bypass at magamot ang kaniyang kidney disease.
Dahil sa kaniyang dedikasyon sa trabaho sa radyo at telebisyon, tumanggap ng maraming pagkilala o awards si Mike.
Nitong 2022, kinilala siya bilang Most Outstanding Male News Anchor para sa ikaapat na sunod-sunod na taon sa Gawad Lasallianeta Awards.
Noong 2019, kinilala siya bilang isa sa 10 media icons ng Media Specialists Association of the Philippines.
Ginawaran din siyang Best Male News Anchor on AM radio at Best Male News Anchor on Television sa Animo Media Choice Awards.
Noong 2018, pinangalanan siyang Best AM Radio Anchor sa COMGUILD Media Awards for Radio and Television. Tinanggap niya rin ang Adamson Media Award noong 2016 para sa pagiging boses ng mahihirap sa kaniyang mga programa sa radyo at telebisyon.
Nagwagi rin si Enriquez ng gintong medalya sa New York Festivals noong 2003 para sa "Saksi" at isang Silver Camera Award sa US Film and Video Festival noong 2004 para sa isang dokumentaryo tungkol sa Iraq War.
Nakamit din niya ang Best Newscaster Award sa Asian Television Awards sa Singapore noong 1999. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News