Kinapos sa lakas ang Gilas Pilipinas at yumuko sa Dominican Republic sa kanilang laban sa Group A ng FIBA Basketball World Cup nitong Biyernes sa Philippine Arena sa iskor na 87-81

Kumamada si Jordan Clarkson ng 28 puntos bago na-foul out habang may nalalabing 3:50 sa laro. Ilang beses pang buwenas ang Dominican Republic na nakukuha ang bola sa rebound.

Ang  Minnesota Timberwolves star na si Karl-Anthony Towns ng Dominican Republic, nakaipon ng 26 puntos na may kasamang 10 rebounds.

Kahit wala na ang Fil-Am Utah Jazz player, napanatili ng Gilas na dikit ang laban sa nalalabing 2 minuto sa iskor na  81-79, pabor sa Dominican Republic.

Gayunman, magkasunod na bumanat sina Victor Liz at Jean Montero upang makaalagwa ang Dominicans sa kanilang panalo laban sa mga Pinoy.

Ang laro nitong Biyernes, nagtala ng bagong record sa FIBA World Cup bilang pinakamaraming nanood sa opening day na umabot ng 38,115.

Nasapawan nito ang dating record na 32, 616 na naitala sa 1994 edition ng World Cup. —FRJ, GMA Integrated News