Aliw na aliw ang netizens sa nahuli-cam na reaksiyon ni Janice De Belen nang malampasan siya at hindi makakuha ng chicharon na hawak ni Vice Ganda sa "It’s Showtime" na napapanood din sa GTV.
Nangyari ang kuwelang tagpo sa “Mini Ms. U" segment nitong Miyerkules na isa sa mga hurado si Janice.
Kasama sa aktingan sa naturang segment ang lahat pati na hosts at mga hurado kung saan nag-alok si Vice ng hawak niyang chicharon.
Makikita sa video na kukuha sana si Janice ng chicharon pero hindi siya napansin ni Vice kaya nalampasan. Kasama sa nahuli-cam ang naging reaksyon ng aktres na nagbigay-aliw sa netizens.
Natatakot ako sa mga maaaring gawin sakin ni Leona! Tulungan nyo ko! https://t.co/HiR97LB5z6
— jose marie viceral (@vicegandako) August 23, 2023
Kaya naman bukod sa post ni Vice sa social media ng paghingi niya ng sorry kay Janine, ginawa rin niya ito sa kanilang noontime show.
"Bago ang lahat, gusto ko lang humingi ng paumanhin kay Ms. Janice de Belen. Nakita ko yung video. May part pala roon hawak ko yung chicharon inaalok ko sa kanila," saad ng "Unkabogable Star."
"Tapos kukuha si Janice, hindi ko siya napansin tapos tinanggal ko. Kitang-kita dun sa video, kalat na kalat sa Twitter... Janice, I love you! Hindi ko napansin, kumukuha ka pala ng chicharon," dagdag niya.
Sa kaniyang Twitter o X account, nag-post din si Vice ng paumanhin. "Oh my gooossshhh di ko nakita kukuha pala si Janice! Waaahhh!!!! Im sorry Janice! Love u!."
May video post din si Vice na tila binawian siya ni Vhong Navarro nang agawan naman siya nito ng liempo.
Grabe yung poot at paghihiganti sa mata ko ng dahil sa ninakaw mong liempo @VhongX44 ! https://t.co/RIzS2XpDP3
— jose marie viceral (@vicegandako) August 23, 2023
--FRJ, GMA Integrated News