Inihayag ni Abby Viduya na hindi na sana siya babalik ng Pilipinas pero ginawa niya ito dahil kay Jomari Yllana. Ikinuwento rin ng dalawa kung paano sila nagkabalikan matapos ang 30 taon na nagkahiwalay.

“Naisip ko lang siya. Naisip ko lang siya talaga, kumusta siya. Then, 'yun lang, socials. And then I saw her,” saad ni Jomari sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

Naninirahan sa Canada noong mga panahong iyon si Abby.


“Yeah, I saw her. Sabi ko, ‘Siya ba ‘to? Siya ba ‘to?’ Minessage ko. Anong sabi ko? ‘Hi, Kumusta?’ And then she called me up right away,” kuwento ni Jomari.

“Yeah, I made sure it was him. And I’m like, ‘Hi! Ikaw ba ‘yan?’" sabi ni Abby.

Matapos nito, lagi nang nag-uusap sina Abby at Jomari, ngunit bilang “really good friends” lamang.

Inilahad ni Jomari na noong 2015, pareho silang may pinagdadaanan ni Abby kaya hindi agad sila nagkabalikan.

“Marami kaming pinagdadaanan, pareho kami. Maraming kuwentuhan, maraming sharing, maraming guidance, maraming laughter,” sabi ni Jomari.

“Pero talagang magkaibigan lang kami, long lost friend na bigla mong nakakausap ulit and kahit ano nakukuwento mo na very comfortable, and then we became single pareho,” pagpapatuloy ni Jomari.

Hanggang sa dumating ang pagkakataon na pareho na silang single, at mas bukas na ulit sa kanilang mga damdamin.

May kakaibang paraan ng pag-aya si Jomari para muli silang magkabalikan ni Abby.

“I said, ‘Come home.’ You know why? Because she said na, ‘I will never come back to the Philippines,’” kuwento ni Jomari.

“I had my life there. Sabi ko, ‘Why am I gonna go back here when there’s nothing for me to go back to? Like my family is all there, right?’ So I said, this was probably like in 2015, I said, ‘I’m not gonna go back there,’” paliwanag ni Abby.

Dumating ang pagkakataon na hindi na naniniwala si Jomari na babalik si Abby sa Pilipinas. Gayunman, nagsimula nang magpadala si Abby ng kaniyang mga gamit na nakalagay sa balikbayan boxes sa tahanan ni Jomari.

“Pero I asked her. Then she said yes,” sabi ni Jomari.

Nag-abang si Jomari at naghanda ng sasakyan para kay Abby sa airport.

“Tumawag. Palabas na raw siya, and then I saw her for the first time,” pagbabalik-tanaw ni Jomari. “Nakakaiyak. Kasi parang I saw the same person. She looked exactly the same.

Nang sandaling iyon, si Jomari pa lang ang nakakita kay Abby, at hindi pa nakikita ni Abby ang aktor. Kaya naman kumaway na si Jomari.

“She saw me, nanginginig ‘to (panga), Boy, nanginginig ‘yung buong katawan nito. Nanginginig ‘yung baba niya. Sabi ko, ‘Are you okay?’ Pagyakap nang ganiyan, nanginginig siya,” pag-alala ni Jomari nang muling makita si Abby.

“I was so scared, I was nervous of what I did, I came back home and I’m gonna ba with him,” sabi ni Abby.

“Pag-uwi ko dito, diretso kami live-in eh,” pagpapatuloy ni Abby.Inilahad nina Jomari at Abby ang plano nilang dalawang beses na magpakasal na isang civil at isang church wedding.

Ayon kay Jomari, plano nila ni Abby na magpakasal sa Peñafrancia Shrine sa Naga, kung saan din ikinasal ang mga magulang ni Jomari.--FRJ, GMA Integrated News