Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, tinanong  ang actress-director na si Gina Alajar kung sino ang limang artista na nais niyang makatrabaho kung sakaling gagawa siya ng "huli" niyang proyekto--at bakit?

Tinukoy ng batikang actress-director sina Piolo Pascual, Amy Austria, Alden Richards, at ang mga anak niyang sina Ryan at Geoff Eigenmann.

Bukod sa dalawang anak na parehong magaling na aktor, tinanong ni Tito Boy si Gina kung bakit niya pinili sina Piolo, Amy at Alden.

Ayon kay Gina, idol niya si Amy at lagi niyang sinasabi sa aktres na siya kaniyang lucky charm.

"Madali siyang katrabaho, madali siyang kausap, very generous at hindi siya nagmamagaling, at masaya siyang kasama," paliwanag ni Gina.

Pagdating kay Piolo, sinabi ni Gina na siya ang unang nag-workshop sa aktor noong magsisimula pa lang na maging artista para sa pelikulang "Lagarista."

"Doon pa lang alam ko na na magaling siyang artista," ani Gina, na sinabing magkita sila kamakailan ni Piolo at mas lalo pa siyang humanga rito dahil sa pagiging malapit sa Diyos.

Tungkol naman kay Alden, saad ni Gina, "I don't know. I just have a soft spot for him."

Nagkasama sina Alden at Gina sa dating Kapuso hit series na "Start-Up PH."

Samantala sa segment na Fast Talk, tinukoy ni Gina na si Anita Linda ang pinaka-hinahangaan niyang artista, at si Lino Brocka naman ang pinaka-hinahangaan niyang direktor.-- FRJ, GMA Integrated News