Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, diretsahang tinanong ng King of Talk si Alden Richards kung hindi ba siya yumabang o lumaki ang ulo dahil sa kasikatan?
“I would be a hypocrite Tito Boy if I have said ‘no.’ At one point, of course lahat tayo na-e-experience ‘yan,” buong pagpapakumbabang pag-amin ni Alden.
“Siguro during the first part of my career,” pagpapatuloy niya.
Kasunod nito ay tinanong ni Tito Boy si Alden kung paano niya "tinapik" ang sarili nang nagsisimula nang pumasok sa isip niya ang kasikatan at ipaalala na hindi iyon permanente.
Ayon kay Alden, naituwid niya ang kaniyang sarili nang mapansin ito maging ng mga taong malapit sa buhay ay napapansin na nagkakaroon na siya ng pagbabago.
“Na-realize ko po ‘yon Tito Boy noong pati ‘yung mga taong malalapit sa akin naaapektuhan na. Na these people, sila ‘yung dapat huling magrereklamo sa ‘yo. It hit me na baka nga ganu’n na,” saad ng host ng “Battle of the Judges.”
Malaki ang pasasalamat ni Alden na marami siyang kaibigan at malalapit sa buhay na nagpapaalala sa kaniya ng mga mahahalagang aral sa buhay.
“Yes po, yes po. Marami po sila,” anang binata kay Tito Boy tungkol sa mga kakilala na nagpapaalala sa kaniya na suriin ang sarili.
Inalala ni Alden ang kaniyang humble beginnings sa Kapuso Network, nang tanggihan siya ng mga tao, ngunit isa sa mga naniwala at ipinaglaban siya ay si Annette Gozon-Valdes, na Senior Vice President ngayon ng GMA Network.
“Mataas siya, siya ‘yung number one ko. Sabi kasi ‘Parang hindi.’ Sabi ko ‘Hindi! Nakikita ko sa kaniya parang John Lloyd ‘yan eh!’” sabi ni Annette sa isang panayam sa kaniya sa programa.
“Nakita ko agad ‘yung depth niya as an actor. Ang ganda ng voice quality, malalim. Buti naman, I was proven correct, talagang karapat-dapat si Alden sa showbiz,” sabi pa ni Annette.
Dahil sa naturang pangyayari, inihayag ni Alden na, “Sabi nga po nila, hindi nagma-matter ‘yung mga taong ayaw sa ‘yo, as long as may isang naniniwala sa ‘yo.”-- FRJ, GMA Integrated News