Naantig ang maraming pet lovers sa sinapit ng isang tuta na namatay matapos umanong ihagis ng isang guwardiya mula sa footbridge sa Quezon City. Ano nga ba ang mga kasong kakaharapin ng isang taong gumagawa ng karahasan sa mga hayop, at kung may bata pang kasama sa insidente?

Sa segment na Kapuso sa Batas sa GMA show na "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion ang nakasaad sa Republic Act No. 8485 o Animal Welfare Act of 1998, tungkol sa mga halimbawa ng magmamalupit sa mga hayop na saklaw ng batas, gaya ng pagdudulot sa hayop ng takot, stress, harassment, unnecessary discomfort, pagpapahirap o pananakit at iba pa.

Kaya naman ipinaalala ng abogada na dapat gawing maayos ang pagkupkop at pagpapakain sa mga alaga.

Maging ang pag-abandona ng sariling pet ay maikokonsidera na umanong animal cruelty.

Sa ilalim ng naturang batas, maaaring makulong ang isang tao ng hanggang dalawang taon at may multa na hanggang P100,000 kung nasawi ang hayop.

Kung malubha ang injury, may kulong naman ito na isa at kalahating taon. Pero kung hindi grabe ang pananakit, may kulong pa rin ng hanggang isang taon at P30,000 na multa.

Sa kaso ng nasawing tuta na umano'y inagaw ng guwardiya mula sa nag-aalaga rito na bata, sinabi ni Concepcion na posible ring gamiting argumento ang kasong child abuse.

Ayon kay Concepcion, ito ay dahil maaaring may stress at psychological effect sa bata na may-ari ng tuta ang nangyari.

"So mai-imagine na lang natin yung stress and psychological effect na maaaring magkaroon dun sa bata, dun sa nakita niya," pahayag ni Concepcion na hindi lang tungkol sa pisikal na pananakit ang child abuse law. --FRJ, GMA Integrated News