Emosyonal si Anne Curtis nang personal na niyang makaharap ang binatang kaniyang tinulungan para sa pagpapaospital ng kapatid nito noong 2020, at iabot sa kaniya nito ang regalong charcoal portrait nila ng asawang si Erwan Heussaff.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, ibinigay ng portrait artist na si Ronald Mabilog at kapatid niyang si Reymark ang portrait ni Anne at Erwan habang buntis pa ang aktres kay Dahlia.
“Maraming maraming salamat po sa pagtulong niyo sa amin. Hindi po namin ine-expect na makikita po namin kayo. Sobrang thank you po talaga kasi matagal na po naming inaantay na makita po kayo para mapasalamatan po [nang] personal,” mensahe ni Ronald kay Anne.
“Unang una po maraming salamat sa tulong niyo po sa amin. Noong time na naospital po ako kayo ‘yung isa sa mga tumulong sa amin para sa aming hospital bills,” sabi naman ni Reymark sa aktres.
“You’re welcome, you’re welcome. You’re so welcome!” tugon ni Anne. “Thank you Tito Boy, hindi ko ito ine-expect!”
Sa isang ulat ng Pep.ph, sinabing kabilang sina Reymark at Ronald sa pitong magkakapatid na pawang lalaki na ulila na sa kanilang ama.
Pumanaw ang ama nilang si Reynaldo noong Enero 17, 2014 dahil sa leukemia, habang maysakit sa kidney ang kanilang ina na si Evelyn. May karamdaman naman sa pag-iisip ang panganay nilang kapatid.
Taong 2019 nang matuklasan ni Ronald ang kaniyang talento sa pagguhit at dahil paborito niya si Anne, ito ang unang subject ng kaniyang charcoal portrait. Ito na ang kaniyang naging paraan para makatulong sa pamilya, habang isinasabay din ang pag-aaral.
Nobyembre 2020 nang dalhin si Reymark sa isang ospital sa Novaliches dahil sa pananakit ng tiyan, kung saan inirekomendang sumailalim siya sa appendectomy surgery.
Para matulungan ang kaniyang kuya, nag-post si Ronald sa kaniyang Facebook page ng mga artwork niya, kabilang ang charcoal portrait ni Anne.
Nakita ito ng fans ng TV host at ipinarating kay Anne ang link ng panawagan ni Ronald.
Ikinagulat ni Ronald nang makatanggap siya ng mensahe mula sa isang tao na nagpakilalang assistant ni Anne sa Dream Machine, ang foundation ng TV host-actress. Gayunman, naibenta na niya ang charcoal portrait ni Anne sa halagang P1,000 dahil kailangang-kailangan na nila ng pera.
Dahil dito, binayaran na lamang ni Anne ang natitirang balanse sa operasyon ng kaniyang kuya.
Bilang pasasalamat kay Anne, muling gumawa si Ronald ng charcoal portrait, kasama si Erwan, na gusto niya na ibigay nang personal sa aktres. --FRJ, GMA Integrated News