Dalaga pa lang, napansin na raw ni Melisa Manuel na hindi pantay ang kaniyang dalawang dibdib. At nang magkaanak na siya, lumala pa lalo ang paglaylay ng isa niyang dibdib na umabot na sa ngayon sa kaniyang pusod at may nakakapa rin siyang bukol.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Melisa na sinabi niya noon sa kaniyang ina ang napansin niyang hindi pantay na paglaki ng kaniyang mga dibdib.
Pero sinabihan umano siya ng kaniyang ina na normal lang iyon sa mga nagdadala na katulad niya. Hanggang sa maisipan niyang magpasuri sa isang albularyo na nauwi naman sa pangmomolestiya sa kaniya.
Dahil sa traumang naranasan, nagpasya si Melisa na ilihim na lang ang nangyayari sa kaniyang dibdib, maging sa kaniyang naging asawa na si Erwin.
Ngayong 27-anyos na at may isa na silang anak ni Erwin, lalo pang lumala ang paglaki ng kaliwang dibdib ni Melisa, at hindi na rin niya kaya pang itago sa kaniyang mister.
Ayon kay Erwin, napansin na nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang misis. Bukod sa hindi na ito nagsusuot ng masisikip na damit, nanlamig na rin daw ito sa kanilang pagsisiping.
Kung magsisiping man, nais umano ni Melisa na walang ilaw at hindi rin ito nag-aalis ng damit.
Ngunit maliban sa hindi na kaya ni Melisa na itago pa sa mister ang kaniyang problema sa dibdib, natatakot din siya na baka mayroon siyang breast cancer na maging dahilan ng kaniyang pagpanaw at hindi na niya maaalagaan ang kaniyang anak.
Bukod kasi sa nakakapang bukol, may likido rin daw na lumalabas sa malaki niyang dibdib na tila nana, bagaman wala naman daw itong masangsang na amoy.
Kaya matapos na ipagtapat ni Melisa sa mister ang kaniyang lihim, nagpakuha siya ng mga larawan na kita ang kaniyang dibdib at ipinadala niya sa "KMJS."
Kasabay nito ang paghinga niya ng tulong para maipasuri ang kaniyang dibdib.
Nagtatrabaho bilang kasambahay si Melisa, habang factory worker naman si Erwin. Kaya sapat lang sa kanilang pang-araw-araw na gastusin ang kanilang kinikita.
Nang malaman ng "KMJS" ang kalagayan ni Melisa, sinamahan siya na magtungo sa National Kidney and Transplant Institute-Breast Center upang masuri ng espesyalista sa kauna-unahang pagkakataon.
Ayon sa surgical oncologist na si Dra. Jennifer Ann de Castro-Mercado, posibleng unilateral gigantomastia with phyllodes tumor si Melisa, ang dahilan kaya abnormal ang paglaki ng isang dibdib ng ginang.
Pero ano nga ba ang unilateral gigantomastia with phyllodes tumor na kondisyon ni Melisa at bakit ito nangyayari sa babae? Maaari pa kaya itong gamutin at maisaayos ang kaniyang dibdib para makapamuhay siya ng normal?
Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang buong istorya. --FRJ, GMA Integrated News