Ilang buwan na na-comatose sa ospital ang isang lalaki matapos na mabagok ang ulo nang mabangga siya ng bisikleta. Upang maisalba ang kaniyang buhay dahil sa pamamaga ng utak, inalis ang parte ng kaniyang bungo na nagresulta sa tila "pagkakayupi" ng kaniyang ulo.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Mark Salazar, itinampok ang naging karanasan ni Tatay Eddie, sa sinapit niyang aksidente na nangyari noong 2017.
“May tumawag kasi sa amin na naaksidente si Papa, nabangga. Nakita na lang namin siya roon sa kalsada na nakahandusay, sumusuka na siya ng dugo tsaka meron na ring dugo sa ilong tsaka tainga,” sabi ni Nova Baldonado, anak ni Mang Eddie.
Tumatawid daw noon si Tatay Eddie nang may sumalpok sa kaniyang bisikleta. Pagkabagsak niya, tumama ang kaniyang ulo sa sementadong kalsada.
Nakipag-ugnayan naman sa pamilya ni Tatay Eddie ang nakabanggang biker ngunit wala namand daw itong naiabot na tulong sa pagpapagamot ng biktima.
Matapos ang tatlong buwan na pagkaka-comatose sa ospital, nagising si Tatay Eddie ngunit wala siya makilala at nakatulala na lang. Nagsimula lamang na muling makakilala si Tatay Eddie pagkatapos ng anim na buwan.
Ang inalis na bahagi ng bungo ni Tatay Eddie noong panahon na namamaga pa ang kaniyang utak, muling ibinalik nang bumuti na ang kaniyang kalagayan.
Gayunman, pagkaraan ng ilang buwan ay nagkaroon umano ito butas. Dahil na rin sa kaniyang edad na 67, nagdesisyon ang pamilya ni Tatay Eddie, na alisin na lang ang naapektuhang parte ng bungo at huwag nang ibalik.
“Sa sobrang pamamaga ng utak o napakalaki ng blood clot sa loob ng utak, tatanggalin natin ang buto kasi ‘pag ibinalik mo, hindi makakahinga ‘yung utak. Eventually, after three or six months ‘pag hindi na namamaga ‘yung utak, puwde nating ibalik ulit ‘yung buto,” paliwanag ng neurosurgeon na si Dr. Anabelle Alcarde.
Dahil wala na ang bunga, kailangang ingatan ang ulo ni Tatay Eddie na huwag mabangga dahil balat na lang ang nakatakip sa kaniyang utak. Bilang proteksiyon sa kaniyang ulo, nilalagyan ng helmet si Tatay Eddie.
Sa patuloy na pakikipaglaban sa kaniyang sinapit, sumasailalim ngayon si Eddie sa physical therapy para muling makalakad.
Dahil sa pagtitiyaga at tulong ng kaniyang asawa at mga anak, nakakausap na si Tatay Eddie at naaalala na rin niya ang aksidenteng nangyari sa kaniya.
Alamin sa "Dapat Alam Mo!" kung ano ang nararapat gawin sa isang tao kapag nabagok ang ulo para maiwasan ang mga mas malulubhang kondisyon. Panoorin sa video ang buong kuwento.--FRJ, GMA Integrated News