Inabutan ng mga awtoridad ang misis ng isang pulis habang kasama sa loob ng kuwarto ng isang apartment ang umano'y karelasyon nitong lalaki sa Bacolod City.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing pinasok ng mga awtoridad ang naturang apartment sa Barangay Singcang-Airport sa Bacolod City nang makumpirma ng nagrereklamong pulis na nasa loob ang kaniyang asawa.

Sa loob, inabutan ang misis na nakasuot ng damit pantulog, habang nakahubad naman ang lalaki sa kama.

Batay sa impormasyon ng mga awtoridad, ilang araw lang umanong inupahan ng misis at lalaki ang naturang apartment.

Isang Police Corporal ang nagrereklamong mister na nakatalaga sa Negros Occidental. Handler naman umano ng mga panabong na manok sa Maynila ang lalaki na umano'y kalaguyo ng misis nito.

Nagtungo umano sa Bacolod ang lalaki para kumuha ng mga manok.

Ayon sa misis, komplikado na ang relasyon nila ng kaniyang mister, na inakusahan niya na mayroon din umanong ibang karelasyon.

Bagaman hindi nahuli sa akto na nagtatalik, ayon sa pulisya, kakasuhan ng adultery ang dalawa.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang misis at ang lalaki na umano'y kaniyang kalaguyo.--FRJ, GMA Integrated News