Sa pagsusuri sa kaniyang DNA, lumalabas na tatlo ang magulang ng isang sanggol na isinilang sa United Kingdom bunga na rin ng makabagong paraan ng in-vitro fertilization (IVF) treatment para mabuntis ang kaniyang ina, at maging malusog ang bata.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing mitochondrial donation therapy (MDT) ang makabagong uri ng IVF na gumagamit ng DNA mula sa tatlong tao--ang ina, ama, at donor.
Layunin ng MDT na makatulong sa mga babae na posibleng maipasa nila sa kanilang anak ang kanilang genetic disorder kapag nabuntis.
Sa nanay umano nagmumula ang lahat ng mitrochondria ng isang tao kaya kung "mutated" ang mitochondria ng isang babae, posible itong magdulot ng sakit sa kaniyang ipagbubuntis.
Ilan sa posibleng sakit na ito ay mental o developmental disorder, epilepsy, sakit sa puso, muscular dystrophy, at iba pa.
Sa ilalim ng MDT, kukuha umano ng malusog na tissues mula sa egg cell ng isang donor para palitan ang mutated na mitrochondria ng nanay.
Inaalis naman ang genetic material mula sa nasabing donor egg at natitira ang genetic material ng nanay at tatay ng sanggol. Kaya mayroon pa rin itong kompletong chromosomes ng kaniyang mga magulang.
Ito ang unang pagkakataon na ginawa ang MDT sa UK makaraang maipasa ang Three-Person Embryo Law noong 2015.
"MDT offers families with severe inherited mitrochondrial illness the possibility of a healthy child," ayon kay Peter Thompson, chief executive ng Human Fertilization and Embryology Authority. "The UK was the first country in the world to allow MDT within a regulatory environment.
Gayunman, may ilan na nangangamba na baka magamit ang MDT sa pagpili ng magandang genes para bumuo ng "designer babies."
May ilang kaso rin umano ng reversion o reversal kung saan nakalulusot ang abnormal mitochondria ng nanay sa ipinagbubuntis na sanggol. Kaya naman sa kabila ng ilang matagumpay na approved cases, patuloy pa rin isinasagawang pag-aaral ng mga eksperto tungkol sa MDT.--FRJ, GMA Integrated News