Nanindigan si dating Senate President Juan Ponce Enrile at Chief Presidential Legal Counsel ngayon, na isang legal na prosesong nakasaad sa Saligang Batas ang impeachment upang mag-alis ng isang opisyal kung may sapat na basehan.
Inihayag ito ni Enrile kasunod ng National Rally for Peace na isinagawa ng Iglesia Ni Cristo (INC), na pagsuporta umano sa posisyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na huwag i-impeach si Vice President Sara Duterte dahil magiging aksaya lang ito sa oras ng mga mambabatas.
"As a nation and a state, we will incur a very detrimental precedent if we follow the logic implicit in the INC rally that they mounted. Are we prepared and ready to face the long term consequences of that INC move?" saad ni Enrile sa Facebook post.
Bilang chief presidential legal counsel, trabaho ni Enrile na magbigay ng mga legal na payo sa pangulo. Tanong niya: "Can the INC with all its members amend the Constitution or suspend any of its provisions? Are we prepared to discard or sacrifice the value of rule of law for a person or a group of persons?"
Binigyang-diin ni Enrile na ang impeachment ay isang legal na prosesong nakasaad sa Konstitusyon upang alisin ang isang opisyal ng gobyerno mula sa kaniyang puwesto kung may sapat na basehan at ebidensya.
"The impeached official is not going to jail by the mere fact of his impeachment," paliwang ni Enrile.
Hindi nagbigay ng komento si INC spokesman Edwil Zabala tungkol sa naging pahayag ni Enrile.
Pero nauna nang sinabi ni Zabala na, "I understand that some would think this is political but it's not. As far as we're concerned, it's not. It's something moral, actually."
Ayon naman kay Executive Secretary Lucas Bersamin, palaging hinikayat ni Marcos ang malayang palitan ng pananaw sa kaniyang Gabinete.
''In this way, policy making is enriched by diverse views resulting in decisions distilled from a wealth of varied experiences, different disciplines, and special expertise of those who contribute,'' saad ni Bersamin sa hiwalay na pahayag.
''It is in this spirit that Secretary Enrile came forward with his views,'' dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Bersamin na may "bigat" at laging pinapahalagahan ang mga pananaw ni Enrile at kabilang umano ito sa seryosong ikinukonsidera ng pangulo.
"Nonetheless, the President’s stand on the issue remains unchanged," giit ni Bersamin.
Nitong nakaraang Lunes, sinasabing umabot sa 1.8 milyon ang dumalo sa INC peace rally na ginanap sa iba't ibang bahagi ng bansa, kabilang sa Qurino Grandstand sa Maynila.
May tatlong impeachment complaint na isinampa laban kay Duterte sa Kamara de Representantes. Kabilang sa mga inaakusa laban kay Duterte ay ang hindi umano nito maipaliwanag na paggamit ng milyong-milyong pisong confidential/intelligence funds.
Nauna nang iginiit ni Duterte na pulitika ang motibo sa likod ng mga akusasyon laban sa kaniya.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News