Inihayag ni Paolo Contis na araw-araw niyang nami-miss ang anak nila ni LJ Reyes na si Summer na nasa Amerika na ngayon kasama ang aktres. Kailan nga ba plano ng aktor na bisitahin ang kaniyang anak?
Sa podcast na "Updated with Nelson Canlas," binalikan ni Paolo ang kasagsagan noon ng pandemya, kung saan kinagiliwan ng netizens ang kaniyang mga post na nagkukulitan sila ni Summer.
“Masaya talaga. Aaminin ko, doon kami nagka-income kasi ang daming pumasok na mga brand na si Summer ang gustong kasama. And so we were really working for that,” sabi ni Paolo.
“Pero aaminin ko, meron na kaming (LJ) mga postings before na during that time we were not okay, we had some things that we did on social media, we’re not okay, but again, it was our job,” pagpapatuloy niya.
“That was the worst part of how I handled things poorly,” pag-amin ni Paolo tungkol sa paghihiwalay nila ni LJ.
“Sorry ha, ingat akong magsalita kasi kapag sinabi kong malungkot na naman ako, titirahin na naman ako ‘di ba? Pero that’s the truth,” sabi ni Paolo kay Nelson.
Aminado ang aktor na patuloy niyang nami-miss si Summer.
“I am very, very sad about it. If they don’t believe me I don’t care. But that’s how I feel. I miss Summer every day. I really do. I have videos of her, I always watch it every time I wake up, I look at the pictures all the time,” saad ng Bubble Gang comedian.
Muling inako ni Paolo ang kaniyang mga pagkakamali at umaasang maaayos pa ang ugnayan niya kay LJ at sa kanilang anak.
“Mali ‘yung pagkaka-handle. Every day I keep on hoping and praying na it will be better,” saad niya.
Ayon kay Paolo, bibisitahin niya si Summer kapag dumating ang pagkakataon na napatawad na siya ni LJ.
“Eventually, kapag sabihin nating napatawad ako at mas magaan na ‘yung mga bagay-bagay. I hope we can get to talk and come to an agreement na makita ko si Summer, and at least talk to her regularly,” pahayag niya.
Lilipad daw si Paolo sa US kapag may pahintulot ito ni LJ.
“Definitely. For sure. May mga taong nagsasabi ‘Bakit hindi ka pumunta?’ Una sa lahat, pupunta ako sa isang lugar na mahal puntahan. Hindi naman ito mamanehohin mo lang at kapag hindi pala okay babalik ka lang. Siyempre marami kang kino-consider,” paliwanag ng Kapuso actor.
Nais din umano ni Paolo na bigyan ng respeto sina LJ na hindi siya basta-basta na lang susulpot sa Amerika.
“Tsaka ako naniniwala ako, respeto rin ‘yun sa kanila. Ayoko ng nambibigla. Hindi ‘yung puwedeng ‘Nandito ako.’ Hindi naman puwede ‘yung ano... respeto mo ‘yun sa kaniya, respeto ko sa nanay niya na nandoon din,” sabi ni Paolo.
“Gusto ko na kung pupunta ako, merong approval kasi ayoko rin ng gulo. Ayokong mabigla sila, ayokong maguluhan sila roon,” dagdag niya.
Sa ngayon, hinihintay muna ni Paolo ang tamang pagkakataon.
“I believe it takes time. I know her, it will really take time especially sa nangyari sa amin. Naniniwala ako it will take time. But I know it will happen, I know her. She just really needs time,” saad niya.
Matapos maghiwalay noong September 2021, lumipad pa-Amerika si LJ kasama ang mga anak na sina Aki at Summer.
Nitong Martes, ibinahagi ni LJ ang engagement nila ng kaniyang non-showbiz fiancé na si Philip Evangelista. --FRJ, GMA Integrated News