Nagdilim ang paningin dahil sa matinding selos kaya nagawa ang krimen. Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol sa mga itinuturing "crime of passion?" Nakalulusot nga ba sa parusa ang asawa kung mapatay o masaktan niya ang kabiyak kapag makita niya itong may kasaping na iba?
Sa segment na Kapuso sa Batas sa GMA News program na "Unang Hirit," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion, na crime of passion ang kadalasang krimen na nagawa dahil sa matinding silakbo ng damdamin o emosyon, partikular sa mga sitwasyon na may kasamang romantikong usapin, selos at galit.
Paliwanag ni Concepcion, may tinatawag sa batas na "passion and obfuscation," na itinuturing isang mitigating circumstance lamang. Ibig sabihin, kapag nakita ito ng korte sa isang kaso, nabababaan ang sentensiya o nababawasan ang parusa ng nasasakdal.
Nauunawaan umano ng batas na mayroon mga sitwasyon na bigla na lang nagdidilim ang paningin ng isang tao at nakakagawa ng aksiyon na hindi inaasahan dahil sa matinding bugso ng damdamin.
Gayunman, sinabi ni Concepcion na kailangang tingnan sa kaso kung talaga bang sapat ang mga pangyayari para magawa ang naturang krimen na dala ng bugso ng damdamin.
"Kung kaunting pagseselos lamang, wala talagang dahilan ng pagseselos, hindi ito tinatanggap ng batas as a valid reason para mawalan ng pananagutan ang suspek," paliwanag niya.
Kailangan din umanong tingnan ang "time element" o panahon nang mangyari ang krimen. Para sa kampo ng depensa o ng suspek, kailangang mapatunayan nito sa korte na biglaan ang mga pangyayari at walang tinatawag na "time lag."
"Dapat walang halos na time lag from the time na nangyari yung insidente ng source ng pagseselos halimbawa, at yung nangyaring pagpatay dahil sa selos. Kasi kung mayroong time lag, dapat kasi parang nahimasmasan na ng konti yung tao para makapag-isip na mali ang gagawin niya," paliwanag ni Concepcion.
Mayroon umanong kaso na pinuna ng Korte Suprema na mayroong 30 minutong pagitan ang pagseselos at paggawa ng suspek sa krimen.
"Sabi ng Korte Suprema, matagal na 'yan dapat lumipas na ang init ng ulo. Mayroon ding kaso na nagselos ang asawa at pinagplanuhan ang krimen. Walang masasabi na passion and obfuscation dahil malinaw na ang pag-iisip ng suspek kasi nagplano na," ayon kay Concepcion.
Binigyan-diin ni Concepcion na magkaiba ang kaso ang passion and obfuscation sa kaso na tinatawag na "premeditated" o krimen na plinano.
Gayunman, sinabi ng abogada na mayroong nakasaad sa Revised Penal Code sa Article 247, o "Death or physical injuries inflicted under exceptional circumstances," na lubos na kumikilala sa passion and obfuscation sa mag-asawa o magkabiyak na kasal.
Sa naturang probisyon, nakasaad na walang criminal liability o lusot sa krimen ang asawa na makapatay o makapanakit ng kaniyang kabiyak na nahuli niyang nakikipagtalik sa ibang tao.
Ang asawa na masasakdal sa ganitong kaso ay makalulusot sa criminal liability o penalty, at uutusan lang siya ng korte na mag-"destierro" o banishment, o kailangang lumayo siya sa mga kamag-anak ng kaniyang biktima para hindi siya magantihan.
Pero kung hiwalay na ang mag-asawa, posible pa ring bang umiral ang probisyon ng "crime of passion?" Alamin ang buong talakayan sa video. --FRJ, GMA Integrated News