Aakalaing busog lang sa unang tingin, pero may dinaramdam palang seryosong medical condition ang isang sanggol na lalaki na nag-viral sa social media ang video dahil sa laki ng kaniyang tiyan.
Sa programang “Pinoy MD,” mapapanood ang Tiktok video ng apat na buwang gulang na si Baby Lucas, na umabot sa 1.4 milyon ang views at halos 45,000 likes.
Gayunman, hindi maiwasan ng ilang nanay na mag-alala at maawa para kay Baby Lucas sa comment section dahil sa laki ng kaniyang tiyan.
Ayon sa 35-anyos na si Glophel Dizon, ina ni Baby Lucas, malusog at wala itong sakit nang kaniyang ipanganak. Hindi rin ito mahirap painumin ng gatas, mapa-breast milk man o formula milk.
Ngunit pagkaraan ng ilang buwan, napansin ni Dizon na patuloy na lumalaki ang tiyan ng kaniyang sanggol, at may nakapa siya na tila bukol sa gilid ng tiyan nito.
Kinalaunan, unti-unti na ring nanghina ang si Baby Lucas, na laging umiiyak at iritable.
Nang suriin sa ospital, napag-alamang may biliary atresia si Baby Lucas.
“Sobrang sakit po. ‘Yung thought na anytime, puwedeng mawala si Lucas sa amin. Kung puwede lang ibigay ko ‘yung natitirang buhay ko. Gusto kong maranasan niya na mag-live ng normal life. Gusto ko ring ma-experience niya pa ‘yung buhay, maging successful siya,” emosyonal na sabi ni Dizon.
Ang biliary atresia ay isang kondisyon na nababarahan ang bile duct sa labas at loob ng atay, kaya hindi makadaloy ang bile sa bituka.
Dahil dito, nagkakaroon ng build-up at naaapektuhan ang pagkilos ng atay, na posibleng magdulot ng cirrhosis o pangmatagalang pagkasira ng atay.
Ayon kay Dr. Evangeline Capul-Sy Changco, kasalukuyan pa ring pinag-aaralan kung bakit nagkakaroon ng biliary atresia. Ilan sa mga hinihinalang posibilidad ay abnormal na development ng bile ducts, prenatal viral infection, prenatal toxin exposure, o dysregulated immune response.
Hindi namamana at nakahahawa ang biliary atresia, na kadalasang nakikita ang mga sintomas pagdating ng kalahati hanggang mahigit isang buwang gulang ng sanggol.
Ilan sa mga sintomas ng biliary atresia ang jaundice o paninilaw ng balat at mga mata ng bata; mapusyaw ang kulay ng dumi; dark yellow ang kulay ng ihi; at ang bloated o hindi normal na laki ng tiyan.
Payo ng doktor, agad na ipakonsulta ang bata kung makitaan ng sintomas ng biliary atresia dahil maaari nila itong ikamatay kung hindi maagapan.
Isa sa mga solusyon nito ang liver transplant, na umaabot sa P5 milyon ang halaga.
Kaya naman tumutulong ang NGO na LITRO Babies PH sa mga sanggol na may biliary atresia, at binibigyan ng gabay ang mga ina na makahanap ng foundation na tutulong sa kanila.
Si Jenny Sumalpong, na founder ng LITRO Babies PH, nagkaroon din ng anak na may biliary atresia.
Kaya naman hindi siya nagdalawang-isip na ibigay ang bahagi ng kaniyang atay para sa kaniyang anak.
“Ako ‘yung liver donor ng baby ko. Noong mga panahong ‘yon sabi ko, siyempre takot tayo, ooperahan tayo, first time natin na mahihiwa tayo. Pero hindi ko na inisip ‘yon. ‘Yung gabi-gabing iyak ko, sabi ko ‘God bigyan mo kami ng chance na makasama namin ‘yung baby ko,’” kuwento ni Sumalpong.
Sa kaso ni Baby Lucas, isinailalim siya Kasai procedure na hindi na kinailangang palitan ang kaniyang atay.
Tunghayan sa Pinoy MD kung papaano isinasagawa ang Kasai procedure na umaabot sa P300,000 ang proseso na nagpagaling kay Baby Lucas sa kaniyang sakit na biliary atresia. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News