Napipisil umanong gawing tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority ang aktres na si Ria Atayde, na kapatid ng actor-turned-congressman na si Arjo Atayde.
“I personally recruited Miss Ria Atayde, who graciously agreed,” sinabi ni MMDA Chairperson Romando Artes, sa pulong balitaan nitong Biyernes.
“I submitted yung application and endorsement sa Malacanang for Miss Atayde to be the spokesperson ng (of the) MMDA,” dagdag niya.
Ayon kay Artes, kuwalipikado si Ria sa naturang posisyon dahil nagtapos ito sa kursong Communication Arts, at makatutulong ang kaniyang pagiging celebrity para sa information dissemination ng MMDA.
Si Atty. Mel Carunungan ang kasalukuyang MMDA spokesperson bilang "officer-in-charge."
“Meron kasing posisyon dito na [Assistant Secretary] level na spokesperson na previously held by Miss Celine Pialago,” paliwanag ni Artes sa posisyon na maaaring ibigay kay Ria.
Kasalukuyang kongresista ng Quezon City ang kapatid ni Ria na si Arjo, na nobyo ng "Eat Bulaga" dabarkads na si Maine Mendoza.— FRJ, GMA Integrated News