Nahuli-cam sa Florida ang karambola ng ilang sasakyan dahil sa isang pagong na pinagbigyan na makatawid ng kalsada. Ang awtoridad, hindi inirerekomenda ang pagmamagandang-loob na ginawa ng ilang motorista sa pagong.
Sa video ng GMA News Feed, makikita sa kuha ng dash camera na may ilang sasakyan na nasa unahan ang nakatigil dahil sa tumatawid na pagong sa highway ng 331 S Flordia Avenue.
Pero may dumating na kotse na nagtuloy-tuloy, at nakasagi ng isang sasakyan. Dumiretso pa ito at muling nahagip ang isang pick-up truck, at dumaan sa lugar kung saan nakitang nakapuwesto ang pagong.
"We all can do better to protect the wildlife and natural inhabitants of our great state. Residents and visitors alike should marvel at the many species that call Florida home, just preferably not in the middle of the road," saad ng Florida Walton County Sheriff's Office, sa Facebook post.
Wala namang nagtamo ng seryosong pinsala sa mga nasangkot sa karambola--pati na rin ang pagong na naibalik nang ligtas sa lawa, ayon sa mga awtoridad
"We don't advise causing a road obstruction because of a reptilian obstruction. While no ill intentions were meant, trying to avoid or assist an animal who has made its way onto a busy road can cause you or other drivers life-threatening injuries," paalala pa ng mga awtoridad sa mga motorista. — FRJ, GMA Integrated News