Full support at naiyak pa si Rhian Ramos sa kaniyang housemate na si Michelle Dee, na itinanghal na Miss Universe Philippines 2023. May nakatutuwa ring paliwanag ang aktres kung bakit hindi siya sumasali sa mga beauty pageant.

Sa ginanap na kompetisyon nitong nakaraang Sabado, kasama rin ni Rhian na nagpakita ng suporta kay Michelle sa Mall of Asia Arena ang iba pa nilang besties na sina Max Collins at Janina Manipol, na may posts din sa Instagram sa panonood ng laban ng kanilang kaibigan.

Sa Instagram story, ipinakita ni Rhian ang naging reaksyon nilang magkakaibigan nang banggitin na ang pangalan ni Michelle bilang Miss Universe Philippines 2023.

Si Rhian, napaiyak sa sobrang tuwa.

Pero sa ganda, kaseksihan at taas ni Rhian na pasok sa beauty pageant, bakit nga ba hindi siya sumasali sa mga pageant gaya ng kaniyang kaibigan?

Sa caption, ipinaliwanag pa niya kung bakit, at isa na rito ang kaniyang pagiging iyakin.

"If you ever wonder why never dumaan sa isip ko sumali sa kahit anong pageant, ito yung reason. I have no poise, composure, or emotional control," saad niya .

“Pang-drama lang talaga ako #StageWife," saad pa ni Rhian na may kasamang crying emoji.

Pahabol pa ng aktres, “Thank you Lord! Nakaka-ugly cry ang blessings niyo.”

Nitong Setyembre 2022, ibahagi ni Rhian ang pagiging senti niya dahil iiwan na niya ang kaniyang dating tirahan para makasama na sa iisang bahay ang kaibigang si Michelle, na malapit din ang bahay kay Max.--FRJ, GMA Integrated News