Ang "Death Pool" sa bayan ng Burgos ang isa sa mga dinadayo ng mga turistang nagpupunta sa Pangasinan. Pero paglilinaw ng lokal na pamahaan, wala pa naman daw namamatay sa naturang natural pool, at "katunog" pala ng "death" ang tunay na tawag dito.
Ayon sa programang "Pinoy MD," sinabing ang tunay na tawag sa naturang natural pool ay "Depth Pool" dahil aabot sa 20 talampakan ang lalim nito na tagos sa dagat.
Kaya naman kapag malakas ang agos sa dagat lalo na kapag umaga, nagkakaroon ng pagbulwag ng tubig sa mismong loob ng depth pool.
Pero kumakalma naman ang tubig pagsapit sa hapon.
Ayon kay Rhasty Romero, tourism officer, Burgos, Pangasinan, libre ang paliligo sa depth pool mula sa umaga hanggang 6:00 pm.
Pero kailangan ang ibayong pag-iingat kapag naligo dito dahil maaaring mahigop pailalim ang tao lalo na kung hindi marunong lumangoy.
Sinasamahan naman daw ng mga tour guide ng mga resort ang mga turistang nagtutungo sa lugar, na 24 na kilomentro ang layo mula sa sentro ng Burgos.
Ang mga tinatawag na "adrenaline junkie" na mahilig sa adventure ang madalas na sumubok sa kakaibang pool na ito kapag sumipa na ang kanilang "adrenaline rush."
Ngunit paglilinaw ng isang duktor, hindi sa utak nagmumula ang "adrenaline" o epinephrine ng tao gaya ng paniniwala ng iba. Alamin kung saang organ nanggaling ang adrenaline at papaano ito nangyayari? Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News