Kinaantigan ng netizens ang pagiging “Good Samaritan” ng isang tindero ng paresan matapos niyang dagdagan ng libreng noodles at pares ang isang nagugutom na tatay na humingi lamang ng kanin at libreng sabaw dahil iyon lang kayang bayaran. Ginawa naman itong social experiment at nakatutuwa ang naging resulta.
Sa isang episode ng “Good News,” ipinakita ang viral na larawan ni Bryan Asiado, na nakunan sa kaniyang paresan sa Valenzuela City.
“Kakabukas ko lang po noong 9 a.m. Siya po ‘yung unang tao na pumunta sa tindahan namin. Tumambay lang po siya noong una, parang nahihiya siya bumili kaya tinanong ko siya, ‘Tay ano po ba ang kakainin niyo?’," kuwento Asiado.
Sumagot umano ang matanda kung puwede na kanin lang ang kaniyang bibilhin dahil iyon lang ang kaya niyang bayaran at hihingi na lang siya ng sabaw.
Ayon pa kay Asiado, sinabi umano ng matanda na wala itong pamasahe na pauwi pa ng Cavite.
Galing umano ang matanda sa agency para sana kumuha ng sahod ngunit nabigo siya.
Dahil sa kaniyang awa, nagpakita ng kabutihang loob si Asiado sa tatay at sinamahan ng libreng noodles at pares ang binili nitong kanin na halagang P10.
Ayon kay Asiado, minsan na rin daw niyang naranasan ang malagay sa ganoong sitwasyon kaya alam niya ang pakiramdam ng nagugutom.
“Nag-a-apply ako ng trabaho dati. Sakto lang ‘yung pera ko pamasahe. Ni hindi ka makabili ng tusok-tusok kasi pamasahe lang. Eh ako bata pa ako, marami pa akong energy. Siya po mukhang pagod na pagod na,” kuwento ni Asiado.
Mula sa ginawa ni Asiado, sinubukang isabuhay ng “Good News” ang sitwasyon at nagsagawa ng social experiment kung saan isang ate at isang kuya ang hiwalay na magpapanggap na mga pagod na trabahador at makikiusap sa mga karinderya na kanin lang ang bibilhin nila at hihingi na lang ng libreng sabaw dahil wala na silang pera.
Aalamin sa eksperimento kung may ibang kumakain sa karinderya ang maaantig ang kalooban at magbibigay sa kanila ng ulam. Panoorin ang video at masdan ang nakatutuwang resulta ng eksperimento na magpapakita ng kabutihan ng tao. --FRJ, GMA Integrated News