Sa isang episode ng "Sarap, 'Di Ba?," biglang natigilan sa pagluluto ang guest na si Lianne Valentin nang tanungin siya ng host ng show na si Carmina Villarroel kung totoo ba na nagkaroon sila ng relasyon ng mister nitong si Zoren Legaspi.

"First time ka lang nag-guest dito 'di ba?" tanong ni Carmina kay Lianne, na sumagot naman ng "oo."

Dugtong ni Carmina sa kaniyang tanong habang seryosong nakatingin kay Lianne, "Totoo ba na nagkaroon kayo ng relasyon ni Zoren?"

Si Lianne, sandaling napatigil na tila inaalam kung seryoso si Carmina sa tanong at sakla biglang napatawa.

Bigla na ring tumawa si Carmina at sinabing, "Sa show! Sa show! Hindi pa ako tapos!"

Nagkasama sina Lianne at Zoren sa dating hit GMA afternoon series na "Apoy sa Langit." Bilang si Stella, naging lover si Lianne ng tusong karakter ni Zoren na si Cesar.

Maging si Boobay na kasama ni Leanne na bisita sa show, napatawa rin sa sorpresang tanong ni Carmina.

"Inaantay ko na lang mahulog yung chicken," natatawang sabi ni Boobay habang nagluluto. "Kasi nabigla rin siya [Lianne].

Pag-amin ni Lianne, "Nagulat ako sa tanong. Grabe."

Pero dahil hindi sinagot ni Lianne ang tanong, humirit si Carmina na sagutin nito ang kaniyang tanong.

"Sa show po?" sabi ni Lianne, na sinundan ni Carmina ng linya na, "Sana. Dahil kung sa totoong buhay, ay naku, baka mamaya ipa-guest na kita kay Boy Abunda."

Kaya naman sumagot na nang buo si Lianne, "Sa show po, opo." --FRJ, GMA Integrated News