“Patuloy sila sa pagtatanong kaya’t tumayo si Jesus at nagsalita. “Ang sinoman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kaniya”. (Juan 8:7 – Mabuting Balita Biblia)
MAYROONG isinusulong na panukalang batas ngayon sa Kongreso tungkol sa kompensasyon ng mga taong nakulong ng walang kasalanan o mali ang naging hatol ng korte.
Masakit ang ganitong pangyayari na makukulong ang isang tao sa kasalanan na 'di naman pala niya ginawa. Mapawalang-sala man siya at mabigyan ng kompensasyon, pero mabibigyan ba talaga siya ng katarungan sa kaniyang sinapit sa loob ng bilangguan?
Maganda ang layunin ng batas para kahit papaano ay magkakaroon ng "hustisya" ang panahon na tiniis niya sa bilangguan. Subalit hindi na nito maibabalik pa ang oras o buhay na nawala sa kaniya?
May katumbas bang halaga kung nasira o nagkawatak-watak ang kaniyang pamilya dahil sa kaniyang pagkakakulong? Malilinis din ba ng kompensasyon ang imahe o tatak ng kulungan na nakakulapol na sa pagkatao ng isang dating bilanggo? Iyon ay kahit pa napatunayan na wala naman siyang kasalanan?
Ganito ang mensaheng ibinibigay sa atin ng Mabuting Balita (Juan 8:1-11) patungkol sa madaling paghuhusga ng mga tao sa kanilang kapwa na inilalarawan ng Ebanghelyo, sa isang babaeng nahuling nakikiapid at dinala kay Hesus ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan.
Winika ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan kay Hesus na ang nasabing babae ay nahuli sa aktong nangangalunya. Kaya dapat daw itong batuhin hanggang sa mamatay alinsunod sa kautusan ni Moises. Hinihingi nila ang opinyon ni Hesus tungkol sa ginawa ng babae. (Juan 8:3-6)
Ngunit hindi sila inintindi ni Hesus kahit patuloy sila sa pagtatanong. Yumuko lang Siya at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng Kaniyang daliri (Juan 8:7). Ipinapakita nito na hindi kaagad-agad hinuhusgahan ng Panginoon ang sinomang tao kahit gaano pa kabigat ang kaniyang kasalanan.
Minsan, napakadali para sa atin ang husgahan ang ating kapwa na para bang pinalalabas natin na tayo’y mabuti, malinis at perpekto. Samantalang ang tingin natin sa iba ay masama, marumi at makasalanan. Kaya hindi tayo nangingiming maghusga kaagad katulad ng mga Pariseo.
Hindi na natin kayang linisin ang dungis na idinulot ng maling akusasyon laban sa ating kapwa. Madalas itong mangyari ngayon sa social media. Madaling maghusga ang mga tao kahit hindi nila lubos na nalalaman ang buong istorya. Madaling makakita ng dungis ng iba ika nga, samantalang hindi nakikita ang sariling karumihan o kasalanan.
Itinuturo ng Ebanghelyo na tularan natin ang habag ng Panginoon na makatarungan sa lahat ng tao at hindi Siya basta-basta nanghuhusga sa mga tao kahit paulit ulit pa tayong nagkakasala. Sa katunayan, binibigyan pa nga niya ng pagkakataon ang mga makasalanan na magbalik-loob sa Kaniya.
Halip na kaagad manghusga, alamin ang buong katotohanan, pairalin ang pang-unawa at marahin doon na susunod ang pagpapatawad gaya ng ginawa ni Hesus sa mga katulad nating makasalanan.
PANALANGIN: Panginoon, nawa’y matutunan namin ang maging mahabagin sa aming kapwa at huwag naming basta hatulan at husgahan ang mga tao sa aming paligid. Matutunan nawa namin ang maging tulad Mo na mayroong pusong makatatungan at maaawain para sa mga makasalanan. AMEN. --FRJ, GMA Integrated News