Inamin ni Kuya Kim Atienza na handa niyang gawin ang lahat noon para lang mapanood sa telebisyon. Pero nang makapasok na sa telebisyon, ginamit niya naman ito sa kaniyang agenda para sa planong pagsabak sa pulitika. Pero sa huli, mas pinili pa rin niya ang manatiling nasa telebisyon.
“Hindi ko kinaila ‘yan. Makapal ang mukha ko to say gustong maging TV star. I wanted to be on TV ever since,” sabi ni Kuya Kim sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
“Kahit ano basta nasa TV,” dagdag ni Kuya Kim.
Kaya naman noong nasa kolehiyo, sumabak si Kuya Kim sa mga commercial auditions sa TV. Ngunit hindi siya natanggap.
Gayunman, napansin ang ganda ng boses ni Kuya Kim, kaya nakuha siya bilang voice talent. Matatandaang siya ang nagboses kay Takeru para sa “Maskman.”
Siya rin ang nagbigay boses kay Steve Armstrong sa movie version ng “Voltes V.”
Nakapasok din si Kuya Kim sa isang aerobics TV show noong 1988, pero hindi pa rin umusbong ang kaniyang TV career.
TV at Pulitika
Nagtaka ang kaniyang ama na si Lito Atienza, na Vice Mayor noon ng Maynila noong 1992, kung bakit kinahihiligan ni Kuya Kim na pumasok sa TV. Dito inalok ng kaniyang ama si Kuya Kim na pumasok sa pulitika.
Pinalad naman na maging barangay chairman si Kim, at kalauna’y naging konsehal ng Maynila ng siyam na taon.
Naging suki na si Kuya Kim ng mga debate shows ni Winnie Monsod.
“Kapag wala silang magdedebate roon sa debate ni Mareng Winnie ako ang tinatawagan. Kapag may mga topic na walang gustong pumatol ako ang tinatawagan, mapunta lamang ako sa telebisyon,” sabi ni Kuya Kim.
Naghahanda na sa kaniyang pagtakbo si Kuya Kim para pumalit sa kaniyang ama sa posisyon bilang mayor nang mabigyan naman siya ng pagkakataon na makasama sa isang programa sa telebisyon.
Para matiyak na makakasama siya sa naturang programa sa telebisyon, sinabi ni Kuya Kim na hindi siya nagpabayad at maglalagay ng sponsor.
“Nag-volunteer ako. Ang sabi ko ‘Wala tayong Steve Irwin sa Pilipinas. Ire-wrestle ko ‘yang mga buwaya. Hawak natin ang Manila Zoo. Puwede akong pumasok sa kulungan ng leon,” kuwento niya sa kagustuhang lumabas sa telebisyon.
Dito na rin sumikat si Kuya Kim na nakasumbrero o Safari hat gaya ni Steve Irwin.
Pero nahalata umano ng boss ni Kuya Kim ang kaniyang agenda na ginagamit ang telebisyon para sa kaniyang kampanya. Kaya pinapili siya nito kung gusto niyang magtelebisyon o magpolitika.
Tatlong linggo matapos nito, pumanaw ang sikat na imbentor at broadcaster na si Ernie Baron, at si Kuya Kim ang nag-cover ng wake nito.
“Namatay si ka-Ernie Baron January 23, birthday ko January 24. Birthday ko sa morning show, pina- cover ako ng wake ni ka-Ernie Baron. Napakalinaw ng sign. Sabi ni Lord ‘Kim kapag hindi mo pa nakuha ito… Hello, ito na ‘yun,'” saad niya.
Nagdasal si Kuya Kim para magkaroon ng tapang na sabihin sa kaniyang ama na mas pinipili niyang pumalit kay ka-Ernie Baron.
“Hindi ako pinagsalitaan ng tatay ko. Ang sabi ng tatay ko ‘You don’t have to talk. When I watch you on TV, I see how happy you are. Sa city hall when I see you, para kang inaantok palagi, mabigat ang paa mo. Hindi mo na kailangan sabihin. I give you my blessing,’” kuwento ni Kuya Kim na sinabi sa kaniya ng ama. -- FRJ, GMA Integrated News