Pumanaw sa edad na 55 ang dating sexy actress noong dekada 80's na si Angela Perez.
Inihayag ito ni Boy Abunda sa kaniyang talk show na "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes.
Ayon kay Tito Boy, pumanaw si Angela noong Miyerkules dahil sa stroke.
“Kami ay taos-pusong nakikiramay,” sabi ni Tito Boy.
Kinumpirma ni Issa Lim, anak ni Angela, ang pagpanaw ng aktres sa ulat ng Pep.ph.
“Ikaw ang pinakamahal ko sa buhay, naging spoiled ako sa yo at ikaw lang nakakaintindi sa akin kapag may mga problema ako at kung bakit wala ako sa mood, at ikaw pa yung nagtatanggol sa akin pag may umaaway sa akin at kinakampihan mo ko lagi.”
“Lagi tayong magkakasama, hindi pa naman ako sanay na hindi kita katabi o kayakap pag wala ka at mahal na mahal kita sobra Ma,” dagdag ni Issa.
“Pinakamasakit sa akin na mawalan ako ng nanay at nawala pa ang mahal ko sa buhay. Nanginginig ako sa kakaiyak ko at nalulungkot pa rin ako nang sobra hanggang ngayon. I love you so much, Ma."
Sabi naman ng kapatid ni Angela na si Cathy, “I am so heartbroken. You left too soon. You know how much I love you. I am at a loss for words…………”
“Thank you so much for everything, my beautiful sister. I will never forget you. Mahal na mahal na mahal kita, Ate ko. Angela Perez,” dagdag ni Cathy.
Nagsimula si Angela sa showbiz noong 1983 sa pelikulang "Laruan," kasama si Carmi Martin.
Ilan pa sa pelikulang ginawa niya ang "Basag ang Pula," "Take Home Girls," "Hayop Sa Sarap," at "Makakating Hayop."
Noong 1985 hanggang 1986, bumida si Angela sa mga pelikulang "Manoy Hindi Ka Na Makakaisa," "Isa Lang Ang Dapat Mabuhay," "Sgt. Villapando: AWOL," at "Paligayahin Mo Ako."
—FRJ, GMA Integrated News