Inihayag ng resident Internist ng programang "Pinoy MD," na totoo na posibleng may kinalaman sa puso ang pananakit ng ngipin.

Inihayag ito ni Dr. Oyie Balburias bilang tugon sa tanong ng isang netizen kung totoo ba na ang sakit ng ngipin ay posibleng may kinalaman sa puso.

"Totoo 'yan," anang doktor. "In fact alam na rin ng maraming dentista na yung kondisyon ng gums ng ngipin, ng gingivitis, o kung mayroon tayong dental caries, mayroong mga mikrobyo na naa-identify na maaaring makaapekto sa ating puso."

Sabi pa ni Doc. Oyie, "In fact ang mga dentista ikinu-consider nila pagka mayroon systemic disease tulad ng sakit sa puso, hypertension ang isang tao, maaaring ito ay konektado sa oral health."

Kaya ipinayo ni Doc Oyie na kahalagahan ng pagkakaroon ng regular dental checkup ng tao.

Sa isa pang tanong ng netizen, sinabi ni Doc Oyie na na hindi normal sa isang tao ang pagdumi ng apat hanggang limang beses sa isang araw.

Paliwanag ng doktor, may tinatawag na transit colon time o sapat na oras kung kailan lang dapat dudumi ang isang tao.

"Normal nito ay 24 to 48 hours a day o the most twice a day. Pero yung ganiyan kadalas apat na beses kang dumudumi, naapektuhan ang abilidad ng sistema ng katawan lalo na yung digestive system na ma-absorb lahat ng sustansiya na galing sa mga pagkain," paliwanag niya.

Ayon kay Doc. Oyie, ang taong madalas na dumumi sa isang araw ay maaaring mayroong irritable bowel syndrome (IBS).

Samantala, alamin din sa video ang paliwanag ng doktor tungkol sa tanong kung hindi na nawawala sa allergy sa pagkain, at ano ang posibleng dahilan ng pagsakit ng sikmura sa umaga. Panoorin ang buong talakayang pangkalusugan. —FRJ, GMA Integrated News