Makalipas ang 13 taon, nasagip at nailabas na ng bahay para madala sa ospital ang isang 31-anyos na babae sa San Pedro, Laguna na lumobo at nagsugat ang mga binti.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na tinitibag ang bahay ni Mae Ann upang mailabas siya.
Ayon kay Mae Ann, 18-anyos lang siya noon nang magsimulang lumaki ang kaniyang mga binti. Ang kaliwa niyang binti, nagsusugat hanggang sa paa.
Dahil sa kalagayan ng kaniyang binti, ibinalot niya ito ng tela dahil nagtutubig.
"'Pag hindi po siya nalilinisan ng araw-araw, dinadapuan po ng langaw," saad niya. "Feeling ko po napamamahayan na po 'yung loob ng paa ko ng uod."
Hindi na rin siya nakakalakad kaya tinutulungan na lang siyang buhusan ng maligamgam na tubig mula sa pinakuluang dahon ng bayabas para langgasin ang kaniyang mga binti.
Dahil ulila na, ang kapitbahay na lang ang tumutulong kay Mae Ann sa kaniyang kalagayan.
"Para po akong nawalan ng paa 'yung namatay po siya kasi po siya po ang nagluluto sa amin, nagpapaligo po sa akin, naglalaba po ng mga damit ko po," sabi ng dalaga.
Mabuti na lamang ay may kapitbahay na nagmamalasakit si Mae Ann.
"Nangako ako sa nanay niya na tutulungan ko siya," pahayag ni Elberto. "Pinagbilin sa akin na gusto ko maipagamot din."
Ang anak ni Elberto na si Acel, hindi napigilan na maging emosyonal.
"Naiiyak din po ako kapag umiiyak siya," sabi nito.
Si Mae Ann, hindi maiwasan na makaramdam na nagiging pabigat na siya sa iba.
Napag-alaman na bunso sa apat na magkakapatid si Mae Ann. Ang panganay sa kanila, nakakulong, habang may sarili nang pamilya ang isa pa na dinadalaw siya paminsan-minsan.
Nagtatrabaho naman sa abroad ang isa pa niyang kapatid na nagbibigay sa kaniya ng tulong.
Pangarap din ni Mae Ann na makarating sa Canada.
"Para malibang din tumitingin na lang po ako ng mga pasyalan sa Canada," sabi niya. "Mga gusto ko pong puntahan. Para po doon po magtrabaho. Kasi po andun po ang ate ko po."
Para kumita, sinubukan noon ni Mae Ann na magtinda online ng ilang produkto gaya ng bangus, karne at iba pa pero hindi nagtagumpay.
Dahil sa kakulangan ng pinansiyal, hindi makapagpasuri sa duktor si Mae Ann.
"Gusto ko na po talagang bumitaw," aniya. "May times po na tinatawag ko po si Mama na sabi ko po, 'Ma, kunin ninyo na po ako. Parang awa ninyo na po. Huwag ninyo naman po ako pahirapan. Please lang po kunin ninyo naman po ako.'"
Gayunman, sinabi ng dalaga na, "Pero may mga taong nagpapalakas po ng loob ko na sinasabi po nila na 'Mae Ann, laban lang! Huwag kang susuko. Tatawag ka lagi sa Taas. Lumaban ka lang! Maraming nagmamahal sa'yo.'"
Ngunit ano nga ba ang dahilan ng pamamaga ng mga binti ni Mae Ann? May pag-asa pa kaya itong magamot? Tunghayan ang buong istorya sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News