Literal na napatunayan ng isang Pinoy na galing sa Japan na totoo ang kasabihang "may pera sa basura." Ito ay nang malaman niya na hindi bababa sa P300,000.00 ang presyo ng isa sa mga relo na nakuha niya mula sa mga gamit na itinapon na.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing walong oras umano kada araw ang ginugugol ni Chris, hindi niya tunay na pangalan, sa paghalungkat sa mga gamit na itinapon na ng may-ari noong nasa Japan siya.
Iba't ibang gamit na puwede pang mapakinabangan ang naiipon ni Chris sa kanilang "raket," kabilang na ang ilang piraso ng relo na karamihan ay luma na.
At nang umuwi siya sa Pilipinas, dinala niya ang ibang gamit bilang pasalubong, kabilang na ang mga relo.
Pero nagulat siya nang i-post niya sa social media ang isa sa mga napulot niyang relo ay may mag-alok na bibilhin ito ng P150,000.00.
Mas tataas pa umano ang presyo ng relo kapag nasuri ang loob nito at makikitang maayos ang makina.
Isa umanong vintage at highly collectible ang naturang relo na napulot ni Chris.
Para malaman kung totoo, ipinasuri ni Chris ang relo sa isang eksperto at doon niya nakumpirma na original at maayos pa ang makina ng naturang relo na isang Rolex.
Dahil maayos pa ang kondisyon ng makina, tatagal pa raw ang relo kahit 100 taon.
Nang tanungin ni Chris kung magkano niya maaaring ibenta ang relo, pinayuhan siya ng eksperto na simulan ang presyo sa halagang P300,000.00.
"Para na rin akong tumama sa lotto nito," sabi ni Chris.
Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong kuwento.--FRJ, GMA Integrated News