Sinabi ni Kiray Celis na ang social media personality na si "Senyora Santibañez" ang palagi raw niyang "nakakaaway." Bakit nga ba?
“Si Senyora, siya ‘yung lagi kong kaaway sa social media, kasi inggitera siya,” sabi ni Kiray sa online talk show na “Just In.”
Tinanong ng host na si Paolo Contis si Kiray kung ano ang pinag-aawayan nilang dalawa.
“Nalalakihan siya sa **** ko,” pabirong sagot ni Kiray.
Napatanong tuloy si Paolo kung totoo [na malaki].
“Kaya nga ako nag-cover! Hello?” dagdag ng Kapuso comedienne tungkol sa outfit niya sa programa ni Paolo.
Matatandaang nag-post noon si Kiray ng kaniyang bikini photo na naka-tag si Senyora, at nauwi sa kuwelang bangayan ng dalawa.
Pero paglilinaw ni Kiray, walang edit sa mga bikini photos niya na madalas makita na nakatalikod ang kaniyang pose. Nais din daw niyang maka-inspire sa iba na maging proud sa kung ano ang mayroon sila sa kanilang katawan.
Samantala, inihayag ni Kiray na tumigil na siya sa pagba-vlog.
“Napagod ako. Sa pakiramdam ko na parang wala na akong puwedeng itago para sa sarili ko. Kasi konting kibot, ‘Iba-vlog ko ito!’ Parang ie-enjoy ko na lang ‘yung moment, iba-vlog ko pa,” kuwento ni Kiray.
Napagtanto ni Kiray na hindi kailangang i-video ang lahat ng nangyayari sa kaniyang buhay.
“Tapos noong time na nag-COVID, noong first time kong nagkaroon ng gano’n, pinahinga ko, in-enjoy ko. ‘Ah ang sarap!’ Hindi ako na-down, ‘Oh my gosh makakapahinga ako.’ Doon ko naisip na ‘Ay hindi talaga ako vlogger. Kasi hindi ko kinuha ‘yung camera ko na ‘Ngayon guysshh meron akong COVID,’” paliwanag niya.
Inihayag naman ni Paolo Contis, host ng online talk show, ang kaniyang saloobin tungkol sa ilang celebrity o vlogger na kayang mag-video kahit sa mga pagkakataon na nakararanas sila ng heartbreak.
“Kasi ganoon na ang buhay ngayon eh. Actually sa ibang mga artista, hindi na lang ako magbabanggit ng kung sino, bagong hiwalay sa syota niya eh. Tapos ‘Pak!’ Kinunan niya ‘yung sarili niya na gano’n, umiiyak siya. ‘Ang sad.’ Paano mo makukuha ‘yung cellphone mo habang umiiyak ka?” natatawang kuwento ni Paolo.
“Iniisip ko, paano mo nagagawa ‘yun? Nahihiwagaaan ako sa mga taong kaya ‘yon,” dagdag ni Paolo.
Sinegundahan naman ito ni Kiray.
“Actually ako rin. Kasi hindi ko kaya. Parang mas uunahin ko ‘yung emotions ko. Tapos kapag okay na ako, saka ko na lang ikukuwento,” anang Kapuso comedienne.
Para kay Kiray, hindi niya kayang mag-vlog sa mga pagkakataong mayroon siyang sakit.
“O kaya ‘yung mga ‘On the way kami sa ospital ngayon.’ Iniisip ko kasi kuya, sa work nga puro camera na ako eh. Pati ba naman sa private life ko, kukuhanan ko pa,” anang aktres.
Ayon kay Kiray, nag-vlog lang siya noon dahil may nagpayo sa kaniya na gumawa na ng sariling channel. Nasabay naman ito noong panahon na madalas pa ang lock-in taping na may mga oras na wala silang ginagawa.
“Nag-lock in ako, nag-try ako, kasi nga wala naman kaming magawa roon sa loob. Pero ‘yun, hindi ko talaga kaya,” sabi ni Kiray. --FRJ, GMA Integrated News