Inilahad ni Kiray Celis sa online show na "Just In" ni Paolo Contis na trabaho ang isang dahilan kaya siya lumipat noon sa GMA para matulungan ang kaniyang pamilya.
Kuwento ni Kiray, kahit noong bata pa lang siya ay nasa isip na niya ang magtrabaho upang mapauwi sa bansa ang kaniyang ama na isang OFW noon.
Napag-alaman na tatlong-taong-gulang pa lang Kiray nang una siyang lumabas sa telebisyon. Ayon kay Kiray, nag-audition at nakasama rin siya sa isang dating noontime show sa kabilang network pero natigil siya nang alukin siya ng mga madre na pag-aaralin siya sa isang private school.
"Yung mga madre naging fan ko. Tapos hinanap talaga yung contact namin pag-aaralin nga ako sa St Paul," saad ng aktres.
Pinili raw ni Kiray na tumigil sa pag-aartista para mag-aral dahil siya pa lang sa kanilang magkakapatid ang makakapag-aaral sa private school.
Pero nasa Grade 3 umano siya ng tawagan siya ni Direk Bobot para makasali sa isang kiddie show, at mula noon ay nagtuloy-tuloy na muli siya sa pag-aartista.
Tumagal ng 19 na taon si Kiray sa dati niyang network kaya tinanong siya ni Paolo kung bakit lumipat sa GMA ang aktres noong 2018.
"Kasi napansin ko na parang...actually ng parents ko na wala na akong work [sa TV]. Akala ko noon busy ako dahil ang dami kong movie na ginagawa, 'yun pala sa movie na lang ako, wala na 'kong tv show. So sabi ni mama, mayroon ino-offer sa amin yung GMA na show. Sabi niya, 'tara lipat ka na rin," kuwento niya.
Aminado naman si Kiray na may alinlangan siya noon na lumipat dahil comfort zone niya ang dati niyang network. Bukod sa walang masyadong kakilala noon sa GMA, iniisip daw ni Kiray na magsisimula muli siya sa lahat.
Ang nanay umano niya ang nagpaalala sa kaniya kung bakit niya pinasok ang showbiz, ang magtrabaho para kumita para sa pamilya.
"Kasi umpisa pa lang hindi ko pangarap na sumikat. Gusto ko lang talaga makatulong sa family ko. Gusto ko pera [kita] lang para sa pamilya ko. Kahit hindi ako bida, kahit anong role, hindi ako namimili," prangkang pag-amin ni Kiray, na sinabing hindi niya ibinabatay sa script ang pagtanggap niya ng proyekto.
"Basta may work kasi pangangailangan talaga eh," patuloy ni Kiray na inayunan naman ni Paulo. --FRJ, GMA Integrated News