Malapit nang matupad ang pangarap ng Canadian vlogger na si Kyle 'Kulas" Jennermann, na kilala sa kaniyang vlog na "Becoming Filipino," na maging Pinoy citizen.
Ito ay matapos na aprubahan ng Kamara de Representantes sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez ang panukalang batas na maging Pinoy siya.
Pero kung marami ang Pinoy na nais maging mamamayan ng Canada at ibang bansa, bakit nga ba nais ni Kyle na maging mamamayan ng Pilipinas?
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, inihayag ni Kyle na ang mga naranasan niya habang nasa Pilipinas, ang dahilan kaya niya nais na maging Pinoy.
Isa na rito ang pamilya na nakilala niya matapos na tumama ang Typhoon Yolanda noong 2013.
"They were hanging out, and I made chika with them. We were having laughs. It was just a lot of happiness and beauty, but then I asked them right before we left what they were doing, and they said we are digging for our dead lola under this boat," sabi ni Kyle.
Maging ang simpleng pasahan ng bayad sa jeepney ng mga pasahero, kinabiliban ni Kyle.
"Look at how you ride the jeepney. What do you do? You pass the money to each other. You trust each other to pass up to the driver—simple things like that simply build and build and build in me," aniya.
Aminado naman si Kyle na may mga karanasan din siya na hindi maganda sa Pilipinas. Ngunit hindi umano iyon sapat para higitan ang mga magagandang nakikita niya sa Pilipinas.
"But guess what? Do they have any right to overshadow the huge sum of massive beautiful experiences? No," pahayag niya.
Sampung taon nang naninirahan sa Pilipinas si Kyle. Ang tatlong taon nito, ginugol niya sa Cagayan de Oro.
Ang pamilyang kumupkop sa kaniya ang nagbansag sa kaniya ng pangalang "Kulas."
"I thought I was going to just stay for a week, and sure enough, three years later, I'm still there, and I'm unofficially adopted to my titos, titas in Factora family in Cagayan de Oro," naiiyak niyang kuwento.
"I don't want to be too emotional right now, but they deeply touched me as a person and really locally taught me so much about the country," patuloy ni Kyle.
Hindi rin umano naging madali noong una sa kaniyang pamilya sa Canada na unawain ang pasya ni Kyle na maging isang Pinoy. Pero sa huli, maging ang kaniyang mga magulang, sumulat na para suportahan ang kaniyang pangarap na maging Filipino citizen.
Hihintayin na lang na maaprubahan sa Senado ang bersiyon ng panukalang batas sa paggagawad kay Kyle ng inaasam niyang Pinoy citizenship.
Ang kinatawan ng Laguna na si Representative Marlyn Alonte, ang may-akda ng House Bill 7185 para gawaran si Kyle ng Filipino citizenship.
Ayon kay Alonte, sa pamamagitan ng vlog nito may mahigit isang milyong subscribers, nakatulong si Kyle para i-promote ang magagandang lugar sa Pilipinas at kultura ng mga Filipino.—FRJ, GMA Integrated News