Inaresto ang isang lalaki sa Iloilo City matapos na gawin niyang pantakip sa kotse ang isang malaking watawat.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabi ng pulisya na isang concerned citizen ang nagbigay sa kanila ng impormasyon tungkol sa isang lalaki na ginawang pantakip sa sasakyan ang watawat.
Pinuntahan naman ng mga pulis ang lugar at doon nakumpirma ang sumbong na kanilang natanggap.
Ayon kay Police Lieutant Joebert Amado, Deputy Station Commmander, PS5, idinahilan daw ng may-ari ng sasakyan na may inutusan siyang takpan ang sasakyan pero hindi raw niya alam na watawat ang ginawang pantakip.
Hindi naman daw alam ng lalaking nagtakip sa sasakyan na bawal ang kanyang ginawa.
Nakuha umano ang malaking watawat sa likod ng sasakyan.
Nakasaad sa Republic Act 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines na bawal lapastangin ang watawat.
Kabilang sa mga ipinagbabawal ay ang gamitin ang watawat bilang kurtina o pantakip sa anumang bagay
Ang mga mapapatunayang lalabag sa naturang batas ay maaaring makulong ng hindi hihigit sa isang taon at multa na mula P5,000 hanggang P20,000.
Sinubukan umano na hingan ng pahayag ang lalaki pero tumanggi na ito, ayon sa ulat.
Nagpaalala naman sa publiko ang National Historical Commission of the Philippines na laging igalang ang watawat ng bansa.--FRJ, GMA Integrated News