Sa lahat ng koleksiyon na mga bato ng isang lalaki sa Antique, espesyal daw ang maliliit na bato na laging nakababad sa tubig. Ang naturang mga bato daw kasi, nagliliyab na mag-isa kahit walang halong kemikal. At ang halaga nito, aabot daw ng milyong piso.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakilala sa San Jose de Buenavista sa Antique ang kolektor ng mga bato na si Frank Sobrino.
Tinatawag ni Frank na "firestone" ang mga munting bato na nasa kalahati hanggang tatlo pulgada ang laki, kulay puti, at lumalaki rin umanong mag-isa sa pagkakatubog sa tubig.
"Kapag tinanggal mo ito sa tubig, makikita mo uusok siya, after that magpo-produce na siya ng fire," paliwanag ni Frank.
Ang mga bato, pinaniniwalaan niyang nakuha sa sa ilalim ng dagat sa bahagi ng Mindoro.
"Galing sa langit, nagkalaglagan sa lupa, yung iba napunta dun sa tubig. Mahiwaga talaga siyang bato," sabi ni Frank.
Ibinenta raw sa kaniya ng isang kaibigan sa halagang P10,000.00 ang mga bato, 15 taon na ang nakararaan.
Ngayon, handa raw niya itong pakawalan kung bibilhin sa kaniya sa halagang P10 milyon.
Para patunay na talagang nagliliyab na mag-isa ang mga bato, pumayag siya si Frank na makuhanan ito ng video.
Ilang minuto lang matapos alisin sa tubig ang piraso ng bato, umusok nga ito at tunay na nagliyab na mag-isa.
Anong klase nga ba ito ng bato at posible ng kayang milyon piso ang halaga nito? Panoorin ang buong kuwento at ang paliwanag ng mga eksperto.--FRJ, GMA Integrated News