Pinoproblema ng ilang kababaihan, lalo na ang mommies na ilang beses nang nanganak, ang pagkakaroon ng stretch marks at peklat sa kanilang katawan. Pero no worries dahil may paraan na raw para ito mawala. Alamin kung papaano.
Sa programang “Pinoy MD,” sinabing normal lamang na magkaroon ng stretch marks o kamot. Ngunit ayon sa mga eksperto, maituturing peklat o sugat din ang mga ito kaya nag-iiwan ng marka sa katawan.
Paliwanag pa ng mga eksperto, ang stretch hormones o cortisol ay nakakahina ng fibers ng balat, na nakaaapekto sa elasticity nito na dahilan ng pagkakaroon ng "kamot" sa balat.
Pero sa pamamagitan ng camouflage tattoo o skin tone tattoo, maaari nang maglaho ang mga kamot at peklat.
Ayon kay Bianca Festejo, CEO ng Nue Conceal, ang camouflage tattoo o skin tone tattoo ay isang form ng medical tattooing na kukulayan ang mga parte ng katawan na wala nang melanin.
Ang mga paramedical tattoo artist ang nagsasagawa ng stretch mark camouflage tattoo.
Kapag nalaman na ang skin tone color ng pasyente, matutukoy na rin kung gaano karaming tattoo ang gagamitin para sa kaniyang pigment.
Ayon kay paramedical tattoo artist na si Ma. Cristine Lualhati, maaaring itong magtagal ng dalawa hanggang 10 taon.
“‘Yung microdamage na ginagawa ng tattoo machine ay nagre-reactivate ng collagen production of our body and nag-i-induce ng self-healing,” sabi ni Festejo.
“Basically ang scars sinusugatan ulit para mag-release sa ilalim and mag-stimulate ng collagen formation. In three weeks to four weeks meron na ‘yan, parang naggo-grow na naman ulit. Binubuhay ang patay,” sabi ni Dr. Shantine Reyes, Cosmetic Surgeon ng Kontur Aesthetics.
Pero paalala ng mga eksperto sa mga kababaihang gustong sumubok nito, dapat buo ang loob at kumonsulta muna sa espesyalista.
Paliwanag pa ni Reyes, semi-permanent tattoo lamang ito at matatanggal sa pagdaan ng mga taon.
Ayon kay Festejo, may mga tao na hindi pinapayuhang sumailalim sa ganitong proseso, gaya ng mga buntis, lactating, o may mga diabetes, keloidal, at may mga underlying skin conditions. --FRJ, GMA Integrated News