Ikinuwento ni Ina Raymundo na pinahirapan niya noon si Brian Poturnak sa panliligaw sa kaniya para subukin ang katapatan nito. Katunayan, iniwan pa niya noon sa kanilang date si Brian, na 20 years na asawa na niya ngayon.

Sa “Surprise Guest with Pia Arcangel,” sinabi ni Ina na Hunyo 1999 nang magkakilala sila ni Brian sa isang gimmick night sa Makati.

“June noong 1999, mayroon kaming party na pinuntahan, and sobrang pinapainom niya [Brian]ako noong time na ‘yon. Although I’m sure hindi niya naman intention na lasingin ako, pero I don’t know ha, parang feeling ko, well…” nakangiting biro ni Ina.

At nang nakaramdam na siya kaunting pagkalasing, umalis na si Ina.

“Pag-alis niya, bigla kong na-feel na, ‘Oh no I don’t feel safe, I have to go.’ Nagkaroon ako agad ng tama doon sa iniinom ko. Umalis talaga ako, hindi ako nagpapaalam sa kaniya. Nag-French exit ako, pagbalik niya wala na ako,” pagbabalik-tanaw ni Ina.

“Ganoon ako sa kaniya, as in first time kong ginawa ‘yun sa kasama ko na iniwan ko na basta because I got scared na parang feeling ko, I wasn’t in control,” dagdag ni Ina.

Kaya payo ni Ina sa mga kababaihan na maging alerto kung hindi sila nakararamdam ng pagiging kumportable sa kanilang kasama.

“Dapat ganu’n tayong mga babae. When you feel na you’re not in control of the situation, you have to leave right away regardless of who the person is with you,” sabi niya.

Dahil dito, mas nagtiyaga si Brian na kilalanin pa si Ina at naging mas sinsero sa panliligaw.

“Noong time na ‘yun future husband ko pala, pero umalis talaga ako. Pero at least nagtiyaga siya, mas nagpursigi siya sa akin and inamin niya na, let's say nag-meet kami noong June 99 tapos ‘yung parang bumigay ka agad or something. Parang hindi natin masabi kung ano ang magiging ending nu’n ‘di ba?” ayon sa aktres.

“But since I gave him a hard time, naging dalagang Pilipina tayo, mas nag-work. Mas nakita niya talaga na itong girl na ito, pang mas seryosohan,” sabi ni Ina.

Kinuha raw ni Brian ang kaniyang numero, pero mas kinausap na niya ito noon nang Enero ng 2000.

“Almost one year siya na nanliligaw sa akin, nagpaparamdam, pero hindi pa ako ready noong time na ‘yun. Naging kami talaga, June 2000, a year after we met.”

“Lagi siyang tumatawag sa akin, he would always call me and ako naman ine-entertain ko siya kasi gusto ko mahasa ‘yung English ko ‘di ba, ‘yun talaga ‘yung reason,” natatawang sabi ni Ina.

Mula sa mga naunang pagdududa, nakita ni Ina na click sila ng kaniya na ngayong asawa.

“Hanggang sa we've been talking for months and months, so sabi niya ‘We should go out, we should go out.’ So eventually pumayag ako mag-date kami nu’n na June na after a year. So since nu’ng first date namin naging inseparable na kami, na-realize namin na, wow, we click, we get along and there is chemistry, there is kilig, so ‘yun nagtuloy-tuloy na mula nu’n,” ayon kay Ina

Ano naman ang mga katangian ni Brian na nagustuhan ni Ina?

“Humor. We have a humor na kami lang talaga ‘yung nakaka-get na we can talk about something else na puro kalokohan, so we get along that way. Siguro if you have chemistry with someone it doesn't matter kung exact opposite mo pa siya,” aniya.

“And I really like smart men, I really do. I like witty, smart men, na kapag kausap mo marami kang matututunan, walang dull moments. Nasa kaniya lahat ‘yung hinahanap ko na category sa isang guy. Kaya nu’ng nag-date kami physically, nagtuluy-tuloy na kami kasi na-realize ko he is the one,” patuloy niya.

Ngunit pag-amin ni Ina, natakot din siya sa “culture shock” dahil si Brian ang kauna-unahang foreigner na kaniyang naka-date.

“‘Yun ang fear ko, ako ang may fear. Ako talaga ang nag-hold back kaya nagtagal ng one year. Pero everything happened for a reason.”

Ikinasal sina Ina at Brian, isang Canadian-Ukrainian, noong 2003, at ipagdiriwang na ang kanilang ika-20 taon bilang mag-asawa ngayong taon. May lima silang anak, na sina Erika, Jakob, Mikaela, Anika, at Minka. --FRJ, GMA Integrated News