Lagi raw ipinagdarasal ni Helen Gamboa na tumanda silang magkasama ng kaniyang mister na si dating Senate President Tito Sotto. Ngayon, ipinagdiwang nila ang kanilang 52nd wedding anniversary, bukod sa dalawang taon nang una silang palihim na magpakasal nang magtanan sila.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," binalikan nina Tito Sen at Tita Helen ang kanilang love story na kasama ang ginawang pagtanan ng dalawa para magpakasal pero may usapan na uuwi rin ulit kinalaunan sa kaniyang pamilya ang aktres.
"Fifty-two years na magkasama kami. Church wedding 'yon. Pero ang totoo nu’n 54 years na. 'Yung original na kasal namin tanan kasi," balik-tanaw ni Tito Sen.
Ayon sa dalawa, nagtanan sila at pumunta sa Santo Tomas, Batangas sa kalagitnaan ng gabi para magpakasal sa huwes.
Pero wala umano ang huwes na magkakasal sa kanila kaya naghanap sila ng pari. Dahil kompleto naman daw sila sa papeles, pumayag ang pari na ikasal sila.
Gaya ng plano, uuwi rin ulit si Tita Helen sa kaniyang pamilya matapos ang kasal. Pero ayon kay Tito Sen, natugunan ng magulang ng aktres ang kanilang ginawa.
"Humanap ako ng mga padrino na sasama sa amin para pagsoli dahil kinakabahan ako dun sa mother niya," ani Tito Sen.
"Pagpasok namin ng bahay na ganyan aba'y bubuhatin 'yung silya, ang laki, ihahampas sa akin e. Ihahampas 'yung silya sa akin. Galit na galit, umiiyak. Halos himatayin," natatawang kuwento ni Tito Sen.
Mahigpit daw ang ina ni Tita Helen kaya gumagawa ng paraan si Tito Sen para maligawan ang aktres.
"Nung una pa puwedeng pasyal-pasyal sa kanila because nagdadala ako ng mga plaka ng album. Kunyari mga pag-aaralang kanta. Nung nakahalata mommy niya hindi na ako pwedeng pumunta," anang dating senador.
"So papadala ako ng chocolates, roses. 'Yung drayber niya kinukontsaba ko. Kunwari ilalagay ko 'yung drum set sa likod ng kotse niya tapos sasabihin ko, 'Saan ang shooting n'yo bukas?'"
Matapos ang kanilang pagtatanan, pinayagan na raw si Tito Sen na bisitahin sa bahay si Tita Helen, hanggang sa pumayag na ang ina ng aktres na magsama na sila, at isagawa ang public wedding noong January 2, 1971.
Sa anibersaryo ng kanilang kasal nitong nakaraang Enero 2, 2023, napasana-all ang netizens nang i-post ng kanilang anak na si Ciara, ang video nang iabot ni Tito Sen ang mga rosas kay Tita Helen.
Sa video, makikita ang mahigpit na pagyakap ng dalawa sa isa't isa.
"I am proud to say na talagang hanggang ngayon nililigawan pa rin niya ako," sabi ni Tita Helen kay Jessica.
Inihayag din ng aktres na ipinagdarasal talaga niya na tumanda silang magkasama ni Tito Sen, na sinabi ni Tita Helen na kaniyang "one and only love."
Kahit mahigit 50 taon na ang kanilang pagsasama, sinabi ni Tito Sen na hindi pa rin nagbabago ang kanilang pakikitungo sa isa't isa.
"Tingin ko hinding hindi naman nagbago 'yung pakikitungo namin sa isa't isa. As a matter of fact e parang puwede nating sabihing parang wine habang tumatanda, sumasarap," ani Tito Sen.
Ipinagtatapat din ni Tita Helen na hindi naman niya agad nagustuhan noon si Tito Sen, lalo pa't pinaghintay siya nito ng isang oras.
"Ako ang superstar noon. I'm always on time. Bakit wala pa sila sabi ko," kuwento ni Tita Helen.
Ayon kay Tito Sen, inimbitahan noon ang banda nila para sa movie ni Tita Helen.
"Tapos nang dumating sila, naka-trench coat," ayon sa aktres.
"Eh umuulan eh," natatawang paliwanag ni Tito Sen.
Ikinuwento rin ni Tita Helen kung papaano niya inaasikaso noon si Tito Sen.
"Kuha na ako ng plangganita, lalagyan ko ng warm water tapos konting alcohol, ibababad ko dun ang paa niya habang mina-massage ko," sabi ng aktres. "Kaya sabi ng mommy ko, 'Sobra ka naman! Parang hari 'yang asawa mo.'"
Inihayag naman ni Tito Sen na hinihiluran siya sa likod ni Tita Helen kapag naliligo, at ganun din siya.
Sinabi rin ni Tita Helen na gumagawa ng paraan si Tito Sen na magkabati sila kapag mayroon silang tampuhan. Gaya ng pagsusulat umano ng asawa sa tokador gamit ang lipstick para humingi ng paumanhin.
Pati sa inidoro, nag-iiwan umano ng sulat si Tito Sen na, "Sorry, Sweetheart."
Sabi ni Tita Helen kay Tito Sen, "We're growing old together gracefully. I can never thank God enough talaga for what he has done to us." —FRJ, GMA Integrated News