Delubyo kung ilarawan ni Herlene Budol ang naging karanasan niya nang pumunta siya sa Uganda bilang kalahok sa Miss Planet International 2022 na hindi naman natuloy.
"Pagdating ko roon, ang saya-saya pa, laboy pa sa mga mall-mall, kain ng mga ganitong pagkain. Tapos ayun, naging delubyo ng mga ilang araw na makalipas," kuwento ni Herlene Sa podcast na "Updated with Nelson Canlas."
Pagdating daw ni Herlene ng Uganda, wala man lang daw preparasyon ang organizers para sa higit 30 na beauty queen, at namalagi lang sila sa isang napakaliit na apartment.
Sa kabutihang palad, may na-book na apartment si Herlene para hindi na siya makisiksik at ang kaniyang team sa ibang kandidata.
Sa kanilang rehearsal sa rooftop ng isang hotel, inilahad ni Herlene na tirik na tirik ang araw at walang tubig at pagkain.
Hanggang sa tumawag ang organizer at pinakukuha ang passport ng mga kandidata. Sa puntong ito, gusto nang mag-backout ng ibang kasali sa pageant habang ang iba ay ayaw ibigay ang kanilang mga passport.
Maging ang mga van na kanilang ginamit ay hindi pa nababayaran. Kaya nagalit na rin ang mag-ari ng mga sasakyan at hiniling na pumunta ang organizer para magkalinawan. Kalaunan, dumating din ang organizer ng pageant at nagkaroon ng mga pag-uusap.
"We need to know who is behind this big scam?" sabi umano sa kanila ng front desk manager ng hotel.
Habang nasa hotel, nagtaka na sina Herlene kung bakit maraming pumapasok na mga nakasibilyang pulis. Dito siya nagdesisyong pumunta na sa kaniyang sariling apartment at magpasundo sa nakuha nilang driver doon.
"Pag lalabas na kami, hindi po kami pinalabas. Tapos kailangan kaming i-hold until hindi nababayaran at hindi nalalaman kung sino ang nasa likod ng nangyayaring ganu'n," anang beauty queen.
"Sa utak ko na kahit sabihin na mag-iimbestiga lang, siyempre 'yung nerbyos po ba na, wala ako sa lugar ko, hindi ko sila maintindihan, baka kung anong mangyari, magkagulo, kailangan kong makauwi ng Pilipinas. Nandoon na po ako sa point na 'yun eh."
Nakadagdag pa sa takot ni Herlene ang mga malalaking armas na dala ng mga nakasibilyang pulis. Bagama't mababait ang mga nakilala niyang Ugandan, hindi niya kilala ang ugali ng mga tao roon.
"'Yung mindset ko noon, sabi ko baka magkapatayan pa dito," sabi niya.
"Ayaw po nila akong palabasin kahit sinasabi ko na meron akong sariling [apartment], hindi po ako dito natulog, nabiktima kami ng ganitong kwento na kesyo may ganitong pambayad. Sa akin, sobrang ang layo na ng naiisip ko dahil sobrang dami nang pulis, madami nang sibilyan, iba't ibang lahi kami, hindi po kami magkakaintindihang lahat."
Tinulungan si Herlene ng ibang kandidata na makalabas ng hotel, at para makapag-ulat din siya sa mga awtoridad na kailangan nila ng tulong.
Pinakiusapan din ng may-ari ng van ni Herlene sa mga pulis at guard na wala siyang kinalaman sa isyu.
"Paglabas ko, siguro 'yung ibang pulis, hindi nasabihan. Hinabol ako ng maraming may baril. Dalawa po 'yung humabol sa 'kin na may mahabang baril," kuwento ni Herlene.
"Sabi 'hold on, hold on.' Sabi ko sa sarili ko, 'Parang ito na ata katapusan ko.' Akala ko sa pelikula ko lang mapapanood 'to. May mga aso pa, sobrang ang lalaking aso. Nanlalamig ako, nag-flashback sa 'kin lahat," pagpapatuloy pa niya.
Hanggang sa palabasin na sina Herlene ng manager ng hotel.
"Noong nakaalis na kami, anytime akala namin may sumusunod sa amin, kahit sobrang bilis na ng sasakyan namin," aniya. "Tapos, nahimatay ako sa sasakyan."
"Sa part ko, OA ba 'yung naramdaman ko nu'n? Ayun ho talaga eh. Kasi 'yung napanood nila sobrang konti lang sa naranasan [ko]," sabi ni Herlene.
"Sobrang [malaking bangungot]. Limang araw akong hindi lumabas doon. Lumabas lang ako talaga noong time na sinundo na ako ng mama at papa ko," dagdag niya.--FRJ, GMA Integrated News