Dalangin ng isang 80-anyos na lola na bago sana siya pumanaw, makita at makapiling niyang muli ang kapatid na babae na apat na dekada nang nawawala matapos na maglayas sa kanila. At sa tulong ng Tiktok video, tila dininig ang kaniyang panalangin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," mapapanood sa content ng video ni Francisco Abiera, ang ginawa niyang pagtulong sa isang lola na nakatira sa ilalim ng tulay sa Paranaque--si lola Ana.

Pinapili ni Francisco ng sobre si lola Ana na naglalaman ng aguinaldo.

Ang naturang video, napanood ni Nhey Macalino, na agad natigilan dahil pamilyar sa kaniya ang mukha ng lola sa video.

Si Nhey ay apo ni lola Alejandra, na apat na dekada nang hinahanap ang nawawalang kapatid--si Ana.

"Noong nakita ko siya sa video, ay buhay pa pala! Salamat Diyos ko," sabi ni Lola Alejandra. "Sana, bago man ako... Siyempre matanda na ako, magkita kami."

Tubong Misamis Oriental sa Mindanao, nakatira na ngayon sa Masantol, Pampanga si Lola Alejandra. 

Kuwento niya, nang pumanaw ang kanilang ina, ipina-ampon umano ang kapatid niyang si Lola Ana. Kaya nakipagsapalaran at lumuwas si Lola Alejandra mula Misamis papunta sa Maynila. Kinalaunan, nagkaroon na siya ng pamilya at sa Pampanga na tumira.

Taong 1973 nang may makita ang kaniyang mister sa Maynila na kamukhang-kamukha raw ni Lola Ana. Nakumpirma ni Lola Alejandra na si Ana nga ito, na lumuwas din pala ng Maynila na mag-isa.

Nang panahon na iyon, muling nagkasama ang magkapatid. Ngunit hindi naiwasan na nagkatampuhan ang dalawa.

Taong 1976, lumayas si Lola Ana at umalis kina Lola Alejandra. Tanging alaala na lamang ni Lola Alejandra kay Lola Ana ang binili nilang bandehado.

Hanggang sa mapunta si Lola Ana sa ilalim ng tulay sa C5 Extension, ParaƱaque City, ang lola sa video na binibigyan ng aguinaldo.

Ayon kay Lola Ana, 16 taon na siyang nakatira sa isang lugar na binakuran ng pulang bakod. Pero nang giniba ito, napilitan siyang tumira sa ilalim ng tulay.

"Sabi ng doktor nalamigan daw, sa nerves ko napunta, tapos pinabayaan ko raw. Hindi ito inborn," sabi ni Lola Ana tungkol sa tabingi niyang pisngi.

Sa ngayon, ang mga alaga niyang aso at pusa ang itinuturing niyang pamilya, at namamasura siya para mabuhay.

"Sanay na ako sa ingay. Parang sweet sound na lang 'yun," sabi ni Lola Ana.

Kuwento ni Lola Ana, mag-isa siyang lumuwas ng Maynila noong namatay ang mga kumupkop sa kaniya. Hanggang sa mamasukan siya bilang isang factory worker, at hindi niya inasahang makita siya noon ang mister ng ate niyang si Alejandra.

Upang kumpirmahin kung si lola Ana nga ba talaga ang kapatid ni lola Alejandra, pinuntahan ng kanilang kaanak ang tulay sa Paranaque.

Kaagad namang nakilala ni lola Ana ang kaniyang mga bisita. At sa unang pagkakataon makaraang magkatampuhan 40 na dekada na ang nakararaan, muling magkakasama ang nagkawalay na magkapatid.

May tampo pa rin kaya ang "ma-pride" na si Lola Ana sa kaniyang ate na si Lola Alejandra? Panoorin ang nakaaantig na pagkikita ng magkapatid. -- FRJ, GMA Integrated News