Dumagsa na sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PSCO) ngayong Lunes ang ilang mananaya na kabilang sa 433 na nanalo sa Grand Lotto 6/55 draw nitong Sabado na maghahati-hati sa jackpot prize na P236.091 milyon.
Sa Facebook post ng PCSO, sinabing tinatayang P500,000 ang maiuuwi ng bawat nanalo.
“Nagpapasalamat po ako sa PCSO na marami kaming nabibiyayaan ng Jackpot Prize. Nagbiyahe po ako ng sampung oras upang makarating dito at makuha ang aking napanalunan. Tumataya po talaga ako ng pattern 9, pattern 8, pattern 7 at pattern 6 sa loob ng maraming taon at ako'y nagpapasalamat na ngayon ay napanalunan ko na,” ayon sa isang mananaya.
Sa isa pang Facebook post, makikita ang larawan ng mga kumubbra at ang kanilang mga winning ticket.
Sa bola ng 6/55 lottery noong Sabado, October 1, lumabas ang winning number combination na 09-45-36-27-18-54.
Ayon sa PCSO, mula Metro Manila hanggang sa Zamboanga ang mga nanalo, na tumaya sa lucky number nine at sa multiples nito.
Iginiit ni PCSO General Manager Melquiades Robles na walang iregularidad sa dami ng mga tumama sa naturang draw.
Hiniling ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, sa Senado na imbestigahan ang pangyayari.
Ayon sa University of the Philippines’ Institute of Mathematics Professor at OCTA Research Fellow Dr. Guido David, ang probability ng isang mananaya na tamaan ang anim na numero sa out of the 55 ay one out of 30 million. --FRJ, GMA News