Napasigaw sa tuwa ang isang grupo ng mga mangingisda matapos nilang malambat sa tulong ng mga kalalakihan at divers sa Santa, Ilocos Sur, ang isang uri ng isda na puwedeng ibenta sa halagang P6,300 kada banyera.
Sa GMA News Feed, mapapanood sa video na napa-dive pa ang isa sa mga mangingisda sa gitna ng lambat habang nagsasaya ang kaniyang mga kasamahan.
Nagdala ng mga lambat ang mga mangingisda habang ang mga kasama naman nilang mga diver ang magtuturo sa kanila kung saan ihuhulog ang kanilang lambat.
Makalipas ang ilang oras na pagtutulong-tulong, itinaas nila ang lambat na punong puno ng "ipon."
Ang ipon ay mga maliliit na isda na kapipisa lamang mula sa itlog ng isdang goby o bunog, at kabilang sa delicacy ng mga Ilokano.
Nahuhuli ang mga ipon siyam na araw matapos ang full moon, tuwing Ber months hanggang Pebrero.
Napipisa ang mga itlog ng bunog sa dagat at magma-migrate ang maliliit na isda papunta sa tubig-tabang hanggang doon sila mag-mature.
Nitong 2016, pansamantalang ipinagbawal sa La Union ang panghuhuli ng ipon dahil kumakaunti na ang bilang ng mga isda. Ngunit matapos ang ilang buwan, inalis din ang ban.
Gumawa ng programa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources nitong 2018 para proteksyunan ang populasyon ng mga ipon at matiyak na hindi sila mawawala.
Sa isang pagtitipon, napagkasunduan ang pag-regulate sa paghuhuli ng ipon sa rehiyon ng Ilocos.--FRJ, GMA News