Tila dinala ng tadhana sa negosyong may kinalaman sa pagkain ang isang school nurse na umasenso sa kanilang Tapsilogan. Pero dahil hindi naman marunong magluto, ang limitadong pera na kanilang puhunan, may kasamang luha.
Sa programang "Pera Paraan," ikinuwento ni Maria Cecilia "Che" Innocencio, may-ari ng Tatay Pepe's Tapsilogan, na nagsimula sila ng kaniyang mister na seaman sa negosyong karinderya.
Aminado si Che na kinuwestiyon niya ang kaniyang sarili sa ginawang desisyon dahil isa siyang school nurse na walang alam sa pagluluto.
Ang mister daw niya ang nagmungkahi na magnegosyo na upang makadagdag sa kita para sa kinabukasan ng dalawa nilang anak.
Hanggang na napasok nina Che ang pagkakarinderya nang may mag-alok sa kanila na mag-takeover sa isang karinderya.
Pinatakbo nila ito gamit ang naitabing puhunang P12,000. Ang P9,000 ay paunang bayad sa renta, at P3,000 para sa iba pang gastos. Malapit din sa mga estudyante ang puwesto kaya mayroon na silang "market."
Gayunman, tila sumabak sa giyera si Che na walang bala dahil wala siyang alam sa pagluluto.
"Wala akong alam sa pagluluto so I have to call my sister 'Ate, paano ba pagluto ng monggo? Paano ba pagluto ng sinigang?' As in from 5:30 a.m. nagluluto na ako, natatapos ako 11 a.m. I was crying that time kasi hindi naman talaga ako marunong magluto. I only have this money, P3,000, kailangang kumita kami, para mapaikot namin," kuwento ni Che.
Nagduda si Che ng ilang beses sa kaniyang negosyo, dahil tila hindi nagugustuhan ng customers at hindi nauubos ang kaniyang niluluto.
Matapos ang isang linggo, naisipan niyang magbenta ng mga "silog" dahil mas madali itong lutuin. Dito, pumatok ang kaniyang hotsilog at longsilog.
Kinlaunan, dinagdagan niya na rin ito ng Tapsilog, na kaniyang natutunang lutuin sa tulong ng asawa ng kaniyang pamangkin.
"Natikman ko 'yung tapa niya. 'Can you share your recipe?' Shinare naman niya sa akin, in-enhance ko na lang siya based on my taste kasi hindi ako marunong magluto, yes, pero magaling akong lumasa," sabi ni Che.
Nasundan pa ito ng mga combo na luncheon meat with bangus at shanghai, at nakapagbukas na sila ng iba pang branch. Pinangalanan nila itong Tatay Pepe's Tapsilogan, na hango sa pangalan ng namayapang ama ni Che.
May pagkakataong nabaon din sa utang si Che dahil sa kaniyang negosyo.
"I am actually very thankful to those people, kasi without them, wala talaga kami. So sabi nila 'Bumbay, malas yan.' No. I am very much thankful na nandiyan pala sila," sabi ni Che.
Sa kasagsagan ng pandemya na kailangan isara ang kainan, binago ni Che ang diskarte at itininda ang kanilang tapa bilang frozen products.
Ngayon, kumikita ang negosyo ni Che ng P200,000 hanggang P250,000 kada buwan mula sa kanilang apat na branches.
Tunghayan at paghugutan ng inspirasyon ang buong kuwento ni Che kung saan may iniwan siyang payo sa mga nagnanais din pumasok sa negosyo. Panoorin. --FRJ, GMA News