Para mabigyan ng pagkakataon na makapagbagong buhay, may mga nag-alok ng suporta at trabaho sa isang menor de edad na lalaki sa England na nangholdap pero pumayag na ibalik sa kaniyang biktima ang bag na kaniyang kinuha.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing nag-viral sa social media ang video ng 16-anyos na holdaper nang makipagkita siya sa kaniyang biktima at tiyuhin nito na si Winston Davis, isang engineer.

Nang malaman ni Davis ang nangyari sa kaniyang pamangkin, anim na linggo siyang humanap ng paraan kung papaano makikita ang suspek.

At nang makausap niya ito, inalok niya na makipagkita sa kaniya at sa kaniyang biktimang pamangkin para isauli ang nawala nitong bag.

Pumayag naman ang holdaper at doon na nalaman ni Davis na wala nang mga magulang ang suspek. Aminado rin ang suspek na kailangan niya ng pera.

Tumigil na rin sa pag-aaral ang suspek pero nangangarap pa rin na balang araw ay magiging computer engineer siya.

Pinayuhan at pinangaralan ni Davis ang holdaper. Sinunod naman nito ang mungkahi ni Davis na ibalik sa biktima ang bag at humingi ng paumanhin.

Inihayag naman ni Davis ang paghanga niya sa menor de edad sa kabila ng nagawa nitong krimen.

Matapos mag-viral ang video, nakatanggap ng mga tawag at mensahe si Davis mula sa mga taong gustong tulungan ang holdaper para makapagbagong buhay.

"Although what he did was completely wrong, he said he was broke and needed the money. He is 16 years old, been in and out of detention centers," ani Davis.

"This kid does not need punishment, he needs help," dagdag niya. --FRJ, GMA News