Iniulat kamakailan na isang menor de edad ang kasama sa pagdukot at pagpatay umano sa isang pharmaceutical executive. Ano nga ba ang maaaring kaharapin ng isang menor de edad na sangkot sa mabibigat na krimen tulad ng kidnapping at murder?
Sa Kapuso sa Batas, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na sa kasalukuyan under general rule, exempted pa sa criminal liability ang mga nasa edad 15-anyos pababa. Ito ay dahil kinikilala ng mga gumawa ng batas na hindi pa sila matured para malaman ang kanilang tunay na ginagawa.
Bukod dito, madali pa umano silang maimpluwensiyahan at manipulahin ng mga matatanda.
Ngunit sa pag-aamyenda ng Juvenile Justice Law, isinasaad na kung ang bata na nasa pagitan ng 12 hanggang 15, at nakagawa ng karumal-dumal na krimen, na ang parusa ay pagkakakulong ng higit 12 taon, sila ay ikokonsidera bilang mga "neglected children" na kailangang isailalim sa intervention proceedings, o ilagay sa espesyal na pasilidad tulad ng Bahay Pag-asa.
Kung nasa pagitan naman ng 15 hanggang 18 ang edad ng bata at nakagawa rin ng karumal-dumal na krimen na higit 12 taon na pagkakakulong ang sentensiya sa kaso, at may indikasyon na naiintindihan niya kung tama o mali ang kaniyang ginagawa, maaari nang magkaroon ng paglilitis.
Gayunman, maaaring masuspinde ang kaniyang sentensya hanggang sa umabot siya sa edad 21. Ito ay dahil sa maaari pa siyang isailalim sa rehabilitasyon.
Sa parte ng mga magulang, adpotive parents, at tumatayong mga magulang ng mga batang nakagawa ng seryosong krimen, maaari silang isama sa intervention program o counseling.
Sila rin ang dapat na magbayad ng civil liabilities sa krimeng nagawa ng bata.
Sa ilalim naman ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice Law, ang mga taong gumagamit ng mga bata para gumawa ng krimen ay makukulong sa pinakamabigat nitong parusa tulad ng Reclusion perpetua.
Kabilang sa mga krimeng ito ang trafficking para sa armed conflict, prostitusyon, drugs at exploitation. Alamin ang iba pang detalye tungkol sa Juvenile Justice Law sa talakayan ito sa video.--FRJ, GMA News