Dahil pang-wholesome ang kaniyang image, natanong ang Kapuso leading man na si Richard Yap kung handa rin ba siyang gumanap sa mga daring role.

"Parang ang hirap sagutin," natatawang sabi ni Richard sa "Surprise Guest with Pia Arcangel."

Ayon kay Richard, tatanggap siya ng proyekto depende kung gaano ka-daring ang kaniyang magiging role.

Nang tanungin kung ano ang pinaka-daring na kaya niyang gawin, "Siguro ano lang, siguro top off lang siguro, that's it," natatawang sagot ng aktor.

Nakatambalan ni Richard si Heart Evangelista para sa "I Left My Heart in Sorsogon."

Inihayag din ni Richard na bukas siya na makatrabaho ang Korean stars, at maging bahagi ng Korean drama.

"Yap (yup), definitely," kaniyang tugon.

Samantala, inilahad ni Richard na nakatanggap siya ng offer noon na gumanap sa isang spy movie. Pero dahil kasagsagan noon ng pandemya, hindi natuloy ang plano.

Mapapanood si Richard sa upcoming drama series na "Abot Kamay Na Pangarap" na magsisimula sa Setyembre. Makakasama niya rito sina Jillian Ward, Carmina Villaroel, Dominic Ochoa, Wilma Doesnt at Chuckie Dreyfus.--FRJ, GMA News