Ipinanganak na may dugong Chinese, ikinuwento ni Richard Yap ang hamon sa pagpili ng nobya, at kung paano niya ipinaglaban sa kaniyang ama ang kagustuhan niyang mag-asawa ng Pinay.

Sa Surprise Guest with Pia Arcangel, inilahad ni Richard na ipinanganak siya sa Cebu, at mas kinikilala ang sarili bilang isang Pinoy.

"I never really identified myself as Chinese. I grew up as a Filipino with Chinese blood," sabi ni Richard.

Kaya naman mas gusto rin niya ang magkaroon ng nobyang Pilipina.

"Siguro ganu'n talaga tayo 'no? If you're Chinese you look for someone who's not, and yet 'yung iba naman Filipino. You look for someone who's a foreigner. My taste in ladies, usually hindi Chinese," paliwanag niya.

Gayunman, nagkaroon pa rin si Richard ng nobya na Chinese pero hindi boto ang kaniyang ama sa naturang babae.

"Ayaw din ng dad ko, because sabi niya 'She's too short for you.' Mapili talaga," anang aktor.

"When I was in college I had a medyo matagal na girlfriend, pero because of that, parang pinaghiwalay rin kami," dagdag ni Richard.

Nang makapagtapos si Richard sa kolehiyo at makakuha ng trabaho, nagpasiya siya na siya na ang magdedesisyon sa babaeng gusto niyang makatuluyan.

"Sabi ko, 'Kaya ko na 'to.' "So nu'ng I found my wife now, when I met her, ayun naipaglaban ko na ito, kasi ito talaga ang ano ko e, 'yung gusto ko eh," sabi pa niya.

Ang tinutukoy ni Richard ay si Melody, na 29 na taon na niyang kasama sa buhay.

Pero ayon kay Richard, may kapalit ang pagpapakasal niya kay Melody. Hindi na siya isinama sa negosyo at hindi siya gaanong nakakuha ng suporta ng kanilang pamilya.

"Kahit na may mga nirereto siya (ama) sa akin, I said I can't, you know I can't compromise and just do what you want because I will be living with her for the rest of my life. So pinaglaban ko na rin talaga, even though at the expense of not being in the family business or wala na 'yung support or whatever. So ayun matigas na talaga ang ulo natin," kuwento pa niya.

Kabaligtaran naman ito ng ina ni Melody, na tinanggap si Richard.

"Thankfully hindi. Because when I met my wife's mother, she was very nice to me. In fact, botong boto siya sa akin," ayon sa aktor. --FRJ, GMA News