Nahaharap sa reklamo sa Quezon City Prosecutors' Office ang isang social media influencer at apat na Tiktokers dahil sa pagsira at pagyurak sa pera na ginawang pamunas ng sapatos na ipinost nila sa social media.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kabilang sa inireklamo ang isang social media influencer na nagpunit ng P20 na papel sa video na kaniyang ipinost.
Kasama rin sa mga inireklamo ang isang magician na bumutas umano sa isang 1000-peso bill, isang lalaki na ginamit ang 50-peso bill bilang embudo para maisalin ang langis sa motorsiklo, may nag-staple ng 100-peso bill sa plastic basketball net, at may lalaking ginawang pamunas ng sapatos ang dalawang 500-peso bills at saka itinapon.
Ayon sa BSP, "Willful defacement, mutilation, tearing, burning or destruction of Philippine banknotes and coins are punishable by a fine of not more than PHP20,000.00 and/or imprisonment of not more than five years." — FRJ, GMA News