Namamayagpag ngayon sa TV ratings sa Pilipinas ang dambuhalang kuwento ni Lolong at ng kaibigan niyang buwaya na si Dakila. Alamin at balikan kung bakit tinututukan ng mga manonood--maging ng mga bata-- ang Kapuso action-adventure series na ito na pinagbibidahan ni Ruru Madrid.
Ang "Lolong" ay istorya ng isang lalaki na si Lolong [ginagampanan ni Ruru], na may pambihirang abilidad at pambihirang kaibigan na dambuhalang buwaya na si "Dakila."
Pero ang dapat sana'y tahimik nilang buhay sa bayan ng Tumahan, magugulo dahil sa paghihiganti ng mag-asawang Armando [Christopher de Leon] at Dona [Jean Garcia] laban sa mga "Atubaw."
Papaano nga ba nagsimula ang lahat?
Si Lolong at ang hidwaan ng mga taga-Tumahan at mga buwaya
Sa bayan ng Tumahan, nakilala ang mabait at matulunging bata na si Lolong. Sa likod nito, may lihim na itinatago ang kaniyang mga magulang na sina Raul at Gloria, na kayang makipag-usap sa buwayang nagngangalang si Dakila.
Ipinakilala nina Raul at Gloria si Lolong kay Dakila, at doon nagsimula ang pagkakaibigan at magandang samahan ng bata at ng buwaya.
Ngunit nabuo ang tensiyon sa pagitan ng mga taga-Tumahan at mga buwaya dahil sinisira umano ng mga buwaya ang kabuhayan ng mga tao. Depensa naman ni Raul, nagkaroon ng pag-atake ng mga buwaya dahil nasira ang mga tirahan nilang bakawan.
Umigting pa ang hidwaan nang kainin ng buwaya ang nobyo ng kapitana. Sumang-ayon ang noo'y mayor pa lang na si Armando Banson, na lipunin ang mga buwaya sa bayan.
Ang mapait na nakaraan ni Lolong
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nabunyag ng isang misteryosong lalaki ang katauhan ni Raul, na tumututol sa pagpatay sa mga buwaya. Nagtagpo ang landas nina Raul at ng lalaki, kung saan nabistong kayang magpagaling ni Raul sa sarili nang barilin siya ng lalaki. Nang malaman ng lalaki ang sikreto ni Raul, pinatay niya ito sa pamamagitan na rin ng pangil ng buwaya.
Sunod namang pinatay ng lalaki si Gloria. Nasaksihan ito ni Lolong ngunit hindi niya nagawang lumaban. Labis ang pighati ni Lolong, na lumaking may madilim na nakaraan.
Nadiskubre ni Elsie ang sikreto ni Lolong tungkol kay Dakila
Sa paglaki ni Lolong, makakabangga niya si Martin, ang anak nina Banson at Dona. Madidiskubre naman ni Elsie, kababata ni Lolong, na kayang makipag-usap ng binata sa buwaya.
Nalagay sa panganib ang buhay ng dalaga dahil sa pananakop ng pamilya Banson sa Tumahan, pero si Martin pa ang itinanghal na bayani.
Ang Atubaw na si Karina, at ang tunay na pagkatao ni Lolong
Dahil sa isang insidente, madidiskubre ng kaibigan ni Lolong na si Karina ang abilidad ng binata na kusang naghihilom ang sugat. Bukod pa rito ang kaniyang kakaibang lakas. Inihayag ni Karina na hindi ordinaryong tao si Lolong dahil isa rin siyang Atubaw.
Bella, ang misteryosong vlogger
Makikilala ni Lolong si Bella, isang vlogger na bumisita sa bayan ng Tumahan. Sa pagtulong ni Lolong sa dalaga, makakasalubong niya sina Elsie at Martin na magkasama.
Hindi maiiwasan ni Lolong na makaramdam ng selos kahit pa magkaibigan lang ang turingan nila sa isa't isa. Ito na kaya ang simula ng kumplikadong pagtitinginan nina Lolong at Elsie, at ano ang magiging papel nina Martin at Bella sa kanilang buhay?
Ang malagim na kasaysayan ng mga Atubaw
Sa muli nilang pagkikita, ibinunyag ni Karina ang tungkol sa mga Atubaw, na nakatira sa Isla Pangil. Nagdesisyon ang mga Atubaw na magtago sa mga tao sa Isla Pangil dahil sa kakaiba nilang kakayanan pagdating nila sa tamang edad.
Magkasama at payapa namang nabubuhay noon ang mga Atubaw kasama ang mga buwaya sa isla. Hanggang sa nakawin ng grupo ng mga tao ang masayang pamumuhay ng mga Atubaw at mga buwaya. Matapos magpanggap na mga kaibigan, pinagpapatay ng grupo ang lahat ng mga Atubaw, gamit ang pangil ng buwaya.
Naging bukas si Lolong sa posibilidad na marami pang nakaligtas na Atubaw, na katulad niya.
Ang malalim na hidwaan sa pamilya Banson at mga Atubaw
Ikinuwento ni Karina ang matinding hidwaan ng mga Banson laban sa mga Atubaw. Isang Atubaw umano ang pumatay sa anak nina Gobernador Armando at asawang si Dona, matapos din namang patayin ni Armando ang isang batang Atubaw na walang kakayahang pagalingin ang sarili.
Lalo pang tumindi ang tensyon nang pagbabarilin ang bahay nina Lolong ng mga tauhan ni Gobernador Banson. Tunghayan ang mga exciting pang episode sa pakikipaglaban ni Lolong upang pangalagaan ang Tumahan laban sa maiitim na balak ng pamilya Banson.
Kasama sa "Lolong" sina Shaira Diaz, Arra San Agustin, Bembol Roco, Malou de Guzman, Rochelle Pangilinan, Paul Salas, Marco Alcaraz, Mikoy Morales, at Maui Taylor.
Ngayong Agosto, ipinakilala ang mga bagong karakter sa serye na kinabibilangan nina Vin Abrenica, Thea Tolentino, Alma Concepcion, Rafael Rosell, at Lucho Ayala.
Napapanood ang "Lolong" mula Lunes hanggang Biyernes, sa GMA Telebabad, 8PM pagkatapos ng "24 Oras" at 9:40 PM sa GTV.
At sa mga Kapuso abroad, mapapanood ito sa GMA Pinoy TV. --FRJ, GMA News