Ikinukonsiderang "crime of passion" ang mga krimen na dala ng silagbo ng damdamin o pagdilim ng paningin dahil sa matinding selos. May sitwasyon nga ba na maaaring maging "maluwag" ang batas tungkol sa ganitong uri ng krimen?
Kamakailan lang, isang lalaki sa Maynila ang nasawi matapos saksakin ng dating nobyo ng kinakasama niyang babae. Ayon sa suspek, hindi pa sila naghihiwalay ng nobya kaya nagdilim ang paningin niya nang makita ang babae na may kasamang iba.
Sa programang "Kapuso Sa Batas," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na may probisyon sa Revised Penal Code, na "umuunawa" sa silagbo ng damdamin sa isang mister kapag nakita o nahuli niya sa akto ang kaniyang kabiyak na may kasiping na iba, na dahilan kaya siya nakagawa ng krimen.
May tinatawag na mitigating circumstance o bagay na maaaring ikonsidera sa kaso, at isa na rito ang matinding selos.
Kung legal na mag-asawa ang lalaki at babae, at nakagawa ng krimen o nakapatay ang lalaki dahil nagdilim ang kaniyang paningin matapos niyang makita sa akto ang kaniyang kabiyak na nakikipagsiping sa iba, napapawalang-sala o walang criminal liability ang mister.
May pagkakataon na binibigyan lang ng "penalty" ang mister na "destierro" o pinapaalis sa lugar kung saan siya nakagawa ng krimen. Pero ayon kay Atty. Gaby, hindi talaga parusa ang destierro kung hindi proteksyon din sa mister para hindi siya magantihan ng taong kaniyang napatay o nagawan ng krimen.
Naiintidihan umano ng batas ang silakbo ng damdamin kung mahuli ng asawa ang kaniyang asawa na may kasiping na iba.
Pero paglilinaw ni Atty. Gaby, na iyon ay para lamang sa legal na mag-asawa.
Hindi kasama ang mga magkasintahan lang, hindi balido ang kasal o sa mga magkarelasyon na nagsasama o magka-live in.
Kung hindi tunay na magkarelasyon ang isang suspek at babae, hindi ito balidong dahilan para pumatay o manakit ang isang tao dahil sa selos.
Hindi rin umano bababa ang parusa kung ang kalaguyo ang gagawa ng krimen dahil sa pagseselos niya sa asawa ng kaniyang lihim na karelasyon.
Ganito rin ang pagtrato sa suspek na iniisip niya na karelasyon niya ang isang tao kaya siya nagselos at nakagawa ng krimen, gayung ang katotohanan ay hindi naman pala siya kinikilalang karelasyon ng kabilang panig.
Kaya ang itinuturing "benepisyo" ng mitigiting circumtance ay para lang sa mga legal na mag-asawa, at hindi kasama ang mga magkasintahan o nagsasama lang. Panoorin ang buong talakayan sa naturang usapin sa video ng "Kapuso Sa Batas." --FRJ, GMA News