Nakarating na sa Korte Suprema (SC) ang usapin ng "no contact apprehension policy" o NCAP, matapos magpetisyon ang ilang transport group at hilingin sa mga mahistrado na ipatigil ang pagpapatupad ng programa.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing inatasan ng SC ang Land Transportation Office (LTO) at mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na nagpapatupad ng NCAP na sumagot at magkomento sa petisyon.
Ang LGUs na nagpapatupad ng NCAP at pinagkokomento ng SC ay ang Maynila, Quezon City, Parañaque City, Valenzuela City at Muntinlupa City.
Sa ilalim ng NCAP, huhulihin ang mga motoristang lumalabag sa batas trapiko gamit lang ang camera.
Pero reklamo ng ilang group, bukod sa hindi naapela ang sinasabing nagawang paglabag, mahal din umano ang multa.
Nauna nang ipinaliwanag ni LTO chief at Transportation Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, na hindi sila kasama sa pagpapatupad ng programa.
Hiniling din ni Guadiz sa LGUs na suspendihin muna ang implementasyon ng NCAP upang mapag-aralan at marepaso ang ilang patakaran sa programa.
Kamakailan lang, hiniling din ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Kamara de Representantes, na imbestigahan ang mga reklamo ng ilang tsuper at mga motorista laban sa NCAP.
Nais ng kongresista na alamin kung naayon sa batas ang NCAP na ipinatupad ng LGUs at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Bagaman maganda umano ang layunin ng NCAP para madisiplina ang mga motorista at mga tsuper, sinabi ni Barbers na kailangan matiyak na hindi magagamit o maabuso ang programa.
Sa kabila ng mga reklamo laban sa NCAP, sinabi ni MMDA Task Force Special Operations chief Bong Nebrija nitong Martes sa public briefing, na pabor siyang ipatupad ang sistema sa buong bansa.
“Mas mabuti po kung nationwide po i-implement ito. Lahat ng siyudad po ay kung i-implement ito mas mabuti nang para sa ganun uniform tayo,” ani Nebrija. --FRJ, GMA News